
Ang mga kalahok ng Ikatlong Palihang Rogelio Sicat sa Baler. (Ang litrato ay sa kagandahang loob ng Palihang Rogelio Sicat.)
Isaisang tinutukoy ng mga kalahok, kagurauan at direktor na nagkukomentaryo ang mga detalye ng mga elementong pormal at perspektiba ng akdang nakasalang. Binubusisi.
Nakapagpapalakas, halimbawa, sa isang tula habang sinasalarawan ng mga saktong salita ang atmospera, paligid, itsura ng persona kung naglilimi ang tono. Malalantad: ang pananaw – kung tanggap, nagpapatiayon, nagma-maangmaangan o nagkakaila ang persona sa mga puntong pinaglilimian.
Kung ang itsura at bihis, pagsasalita at kilos, pakiramdam at kaisipan, datíng ng isang tauhan sa iba pang kaeksena sa kwento ay hindi swak sa motibasyon na nagpasambulat sa hidwaan, asahan na maririnig ang komentaryong, “pangit.” Tiyak ang paliwanag kung bakit.
Pero pagdating pa lang noong bandang alas-kwatro n. h., Abril 28 ay nakapagpakalma ang ambon at ulan na kasabay ng hapunan, almusal at tanghalian… Kasaliw ang lagaslas ng tigsi-siyam na talampakang alon na umaampiyas sa dalampasigan. Hupa ang alinsangan na pabaon ng Maynila.

Sagap ng sariwang hangin ng makatang si Eric Dasig Aguilar. (Ang litrato ay sa kagandahang loob ng Palihang Rogelio Sicat.)
Ibang iba ang klima sa Baler, Aurora. Luntian ang paahan ng Sierra Madre habang nag-iinat ang araw sa pasipiko.
Mula Abril 29 hanggang Mayo 2, mahigit isang linggo bago ang Eleksyon 2010, ganyan ang naranasan nila: Louise Vincent B. Amante, Ma. Monica Antonio, Aidel Paul Belamide, Jennette Torralba Bongo, Christopher Nuyles, Rafael Carpio Cañete, Johannes L. Chua, Camille Josephine C. Cruz, Christa I. De La Cruz, China Pearl Patria M. De Vera, Cristine Giselle Espino, Alvin Ringgo C. Reyes, Alvin C. Ursua at Om Narayan A. Velasco.
Salitan na sinalang para pangatwiranan ang sariling akda at komentaryohan ang sa kapalihan o co-workshopper. Halata sa hilatsa ng bawat isa kung komprtable o hindi sila sa parehong puna at puri. Bagamat hindi magkakakilala ang karamihan galing sa ibabang lugar ng bansa.
Magkakahalong mga propesyonal at estudyante ang mga kalahok. May mga titser, nag-aral ng lenggwaheng Aleman, isa sa Ten Outstanding Young Students, dating kumukuha ng Chemical Engineering sa ibang pamantasan na nag-shift sa Malikhaing Pagsulat sa University of the Philippines, Diliman, mga bagong gradweyt at nag-aaral pa.
Umabot yata sa limang gurong kinatawan ng mga taga-Baler ang mga observer?
Panauhing guro si Edgardo M. Reyes, ang awtor ng tanyag na mga nobelang Sa mga Kuko ng Liwanag, Laro sa Baga, Sa Kagubatan ng Lungsod, Bangkang Papel sa Dagat ng Apoy. Habang ang kaguruan ay binubuo nila Romulo P. Baquiran, Luna Sicat-Cleto, Eugene Y. Evasco at Vladimeir B. Gonzales, pare-parehong mga professor at premyadong manunulat.

Ang mga Professor Jimmuel Naval, Vlad Gonzales, Edgardo M. Reyes - panauhing guro, Reuel M. Aguila, Luna Sicat-Cleto, Eugene Y. Evasco at Romulo P. Baquiran Jr.(Ang litrato ay sa kagandahang loob ng Palihang Rogelio Sicat.)
Ang okasyon na ito ay pinamumunuan nina Prof. Jimmuel Naval at Reuel M. Aguila, mga direktor ng Ikatlong Palihang Rogelio Sicat, Pambansang Palihan sa Malikhaing Pagsulat, tinataguyod ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.
Nasa ikalawang araw ang palihan nang mabalita sa TV ang kasagsagan ng kampanyahan sa eleksyon. Senyales nito na pumangalawa na si Erap sa sarbey ng mga presidentiable. Di maihahambing ang gawain ng mga tradisyonal na politiko sa mga manunulat at alagad ng sining.
Pero may pagkakahawig at pagkakaugnay ang mga pinagkaka-abalahan nila.
Ipinangalan kay Prof. Rogelio Sicat ang palihan bilang pagpupugay sa gunita ng pamumuno niya sa kaunaunahang palihan ng pagsulat ng tula at kwento noong 1984. Inilunsad ng DFPP sa ilalim ng panunungkulan ni Dr. Nicanor G. Tiongson.
Ayon sa Dalumat at Layunin ng palihan, “isa sa mga mandato ng departamento ang pagpapahusay ng pagtuturo ng panitikan kabilang ang pagsasanay ng paglikha ng mga malikhaing akda sa Filipino.
“Behikulo at instrumento ang departamento upang lubusang makilala ng mga estudyante ang kanilang sariling wika at ang pambansang panitikan.
“Naiinggit ako sa kanila.”
Tipong courier ang tagline na itong nakaprint sa harap na pabalat ng handout ng mga akda ng mga kalahok. Nakatatak din sa harap ng pamigay na tisyert.
“Galing kay Prof. Sicat ito.” Paliwanag ni Prof. Aguila sa oryentasyon noong unang gabi. Ikinuwento pa niya na ang tagline ay binigkas ni Prof Sicat sa isang okasyon. At ito ay pumapatungkol sa mga kapanahong manunulat na higit ang pagpapahalaga sa garbo ng pagiging manunulat.
Ganumpaman, ang karugtong nito ay nakaprint din sa likod ng handout at tisyert.
“Ngunit ano ang silbi nila sa masa?”
At parang lagda ng pahayag ang ini-logo na mukha ng dakilang manunulat sa gitna ng point ng fountain pen.
Arawaraw, ang bawat isa sa kaguruan ay nagtalumpati ng kani-kanilang panayam hinggil sa kung paano mapahuhusay pa ang teknik ng pagsulat at pagiging manunulat.
“Wala kayong karapatang dumaing. Lahat ng hirap, sugat, peklat sa buhay,” ay parang isang aspeto sa motibasyon ng manunulat para namnamin ang mga pinagdadaanan ng mga persona at tauhang binubuhay sa bawat akda.
Iyon ang natatandaan kong mga salita galing kay G. Reyes, kagrupo ni Prof. Sicat sa Mga Agos sa Disyerto, 1964, isang kalipunan ng maiikling kwento kasama sina Dominador Mirasol, Efren Abueg at Rogelio Ordoñez.
Bawat pagbabahagi ng mga kwento kung paano siya nagsimulang magsulat, kung paano napanatili ang karga ng baterya sa pagsusulat, kung pa’no nabuyo ang hindi pag-uusap at muling natulayan ang pagbati nila ni Erap ay binabantasan ng, “beybeh!” Lumang bersyon ng dude ngayon.
Pagtatanghal ng mga tula ng mga kalahok noong huling gabi ang naging pagdiriwang.
Nakapagpagaan sa daloy ng buong palihan ang serbisyong alalay ng mga alumni na sina Erick Dasig Aguilar, Mixkaela Villalon, Patrick Alzona at Patrick Bautista.
Gaya ng ambon at ulan, ang beer sa tuwing magtatapos ang maghapon hanggang gabing talakayan, ay nagsisilbing panghingalay sa pursigidong pagpalawig ng mga punto. Para sa mga umiinom. Ang pag-inom ng beer ay bakuna sa pagkalasing sa kapangyarihan?
Kung oo ay walang epekto. Marami kasing politiko ang nalalasing habang nasa kapangyarihan. At kahit tapos na ang termino ay malalakas pa rin ang hangover. ‘Yan ang pinakamasamang nangyari sa isang manunulat… isang grupo ng mga manunulat.
Maiinggit ka ba sa kanila?
Propesyonal o estudyante ka man, gaya ng mga kalahok nitong ikatlong daos, kung may hilig ka lang din naman sa pagsusulat sa wikang Filipino, sa mga darating na tag-araw, ang pagsali sa Palihang Rogelio Sikat ay salungat sa pagsasayang ng panahon.
Kung patuloy ang paglikha ng mga tula, kwento, iba pang anyo ng panitikan, at ang tangkilik ninyong mga mambabasa, pasasaan ba’t masasapol din ninyo at ng malikhaing manunulat ang sariling wika. Pag-uugnay ito sa inyo ng panitikan habang hinuhubog ang pambansang kultura.
Ito ang kaibahan ng mga (tunay na) manunulat kaysa sa maipruproklama na isang mabangong tradisyonal at maliit ang sungay na politiko.
May dulot na mabuting pakiramdam ang kalikasan na pinagdausan ngayong taon ng pinakabatang palihan ng mga nagsisimulang manunulat.
Pagkat nasuhayan ang mga kalahok na karamihan ay galing sentrong bayan at lungsod, darating ang araw, kahit sa pilapil ay makasasapat ang sikat ng Sicat.

May sigla ang ahon sa bula ng siyam na talampakang along humupa. (Ang litrato ay sa kagandahang loob ng Palihang Rogelio Sicat.)
@
Mga Ano Raw?