Sisa,
Maraming Salamat. Sa panahon. Sa espasyo. Sa pagmamahal.
Patawad. Kung naging makasarili ako.
Tandaan mo palagi na ang Pag-ibig ay Mapagpalaya. At Walang Hangganan.
Handa na akong Muling Maglayag.
Sisa,
Maraming Salamat. Sa panahon. Sa espasyo. Sa pagmamahal.
Patawad. Kung naging makasarili ako.
Tandaan mo palagi na ang Pag-ibig ay Mapagpalaya. At Walang Hangganan.
Handa na akong Muling Maglayag.
…
Madalas, kinukumbinsi ko ang sarili ko na kayang pagtakpan ng sayang binibigay nang ginagawa ko ang lungkot na dala ng isiping may nasasaktan ako. Pero hindi pala gano’n ‘yon. Hindi naman ito tulog na kapag napuyat ka, pwede mong bawiin sa susunod na araw. Hindi ito token na pwede mong ipagpalit sa gusto mo para tuloy ang ligaya.
Madalas naming biruan ng mga kaibigan ko na dapat limitahan namin ang pagtawa, kasi ‘pag naubos ang laugh credits namin, no choice na kami kungdi umiyak. Sana gano’n nga lang kasimple ‘yon. Pero hindi eh. Dahil iba si Juan kay Pedro. Hindi ibig sabihin na napapangiti ka ni Juan, hindi ka na nasasaktan sa pagkawala ni Pedro. At hindi rin ibig sabihin na dahil nasasaktan ka pa, hindi ka pa handang magmahal. Magkaiba lang talaga sila. Dahil walang bagay at tao na tunay na magkatulad.
May mga kontradiksyon sa pagkatao natin na napakahirap harapin. Akala ko, sapat nang may degree ako sa Psychology para mas maintindihan ‘to, pero hindi pala. Akala ko, kapag tumanda na ako, mas magiging madali na ang lahat. Pero ang totoo, sa paglipas ng taon, mas dumadami ang tanong, mas lumalaki ang discrepancy, at mas nagiging mahirap. Hindi na kinakagat nang mapagtanong kong isip ang excuse na, bata ka pa. Alam ko naman ‘yon eh. Pero hanggang kailan ako magiging bata sa paningin nila?
Madalas, gusto kong magwala, kung ‘yon lang ang paraan para maparating ko ang lahat ng gusto kong sabihin. Pero pinipigilan ako ng pagiging burges ko. May mga damdamin din palang hindi kayang sakupin ng mga salita. Dahil hindi sila sasapat. Dahil wala akong lakas na bitawan at pakawalan sila. At sa ganitong pagkakataon, mas mabuti pang tumahimik nalang, at piliting magpatuloy.
Pero hanggang saan ba ang hangganan ng pagpaparaya? Hanggang saan ang limitasyon nang pagtanggap ng sakit dahil sa pagmamahal? Walang hangganan ang pagmamahal, ‘yan ang paniniwala ko. Pero kung pinili kang iwan ng minamahal mo para sa mas nakararami nyang minamahal, kakayanin mo bang patawarin sya? O pipiliin mong mamuhay sa galit dahil sa pag-alis nya? Kung ikaw ang minamahal na umalis, kakayanin mo bang patawarin ang sarili mo kung sa kabilang parte ng mundo kung san ka unang naging tao, may mga taong nasasaktan dahil sa ginagawa mo? Paano mo pipiliting magaang na ihakbang ang mga paa mo kung may tinik na nakabaon dito?
Akala ko kapag napagod ang puso, hihinto na ito sa pagtibok. Hindi pala. Maari itong bumagal, magpapahinga sandali, pero babalik rin sa dati nitong bilis. Patuloy itong magmamahal, at maghihintay. At kung anuman ang maging desisyon ko, dahil na rin ‘yon sa pagmamahal na ‘yan. Sigurado akong may masasaktan, at sa mata nila, magiging makasarili ako.
May mga pagkakataong hinihiling ko na sana naging si Darna nalang ako. Yung tipong lulunok lang ako ng bato at sisigaw ng pangalan ko, tapos mawawala na lahat ng problema sa mundo, o kaya magkakaron ako ng kapangyarihan na akuin lahat ng sama ng loob ng mga tao sa paligid ko. Pero hindi ata posible ‘yon. Wala naman kasing nagmahal na hindi nasaktan. At hindi naman tayo masasaktan kung hindi tayo nagmamahal. Partners ang dalawang ‘yan. Hindi mageexist nang wala ang isa’t isa.
Kung kaya ko lang pangitiin, pasayahin, ang lahat, bakit hindi ko gagawin diba? Pero sa buhay, kailangan nating mamili. At madalas, masakit ito at nakakasakit. Pero naniniwala ako na, sa kabila ng lahat ng kontradiksyon, ang sakit ay naririyan upang isulong ang mas higit at mas malalim na porma ng pagmamahal : ang PAG-IBIG sa DIYOS at sa BAYAN. Hindi man maunawaan, o ayaw mang unawain, ng karamihan, ito lang ang natatanging malinaw sa’kin ngayon.
Alam kong hindi sapat ang PATAWAD para paghilumin ang sugat na lilikhain ko, pero gusto ko pa rin itong paulit-ulit na sambitin. PATAWAD, PATAWAD, at PATAWAD. At sana, dumating ang araw na sasapat na ang pagmamahal para matanggap nating nagmamahal din ang ating mga minamahal. Dahil ang pagmamahal ay mapagpalaya…
Matagal pa ang birthday ko…
Pero bakit saan man ako tumingin, saan man ako pumunta, anuman ang gawin ko, lahat ay nagpapaalala nang papalapit na pagdating ng isang pamilyar na araw na ‘yon? Paranoid nga ba ako? Siguro, pero sa ibang dahilan.
Sabi ng isang kandidato, sa araw raw na ‘yon, magpapatuloy ang pagbabago. Sabi naman ng iba, magsisimula pa lamang ito. Hindi ko maintindihan ang pinagsasasabi nila. Bakit kailangang may target date? Ano nga ba ang pagbabago? Isa lamang ba itong project na may nakaset kung kailan dapat simulan at tapusin? Na kapag sinabing, ‘tigil muna tayo, next meeting nalang natin ituloy,’ eh susunod ang lahat at nakangiting iiwan ito?
Isang hapon, lumapit sa’kin ang isang batang lalaki. Limang taon pa lang sya pero matapang nang nakikipaglaban sa sakit nyang Leukemia. Hindi ko alam kung saan sya kumukuha ng lakas, kung paanong sa kabila ng lahat ng paghihirap, nakukuha pa nyang ngumiti. Hindi alam ng Nanay nya kung hanggang kailan o hanggang saan sila dadalhin ng pananampalataya at pag-asa nila.
Ate, ano pong birthday wish mo?
Matagal pa ang birthday ko ah..
Malapit na ‘yon. Sige na Ate, sabihin mo na po…
Pen.. Oo, pen.
Bakit po pen?
Para marami pang maisulat na kwento si Ate para sa inyo. Para mas marami pa syang mapangiting batang tulad mo.
Ate, gusto ko happy ka palagi.
Parang napanood ko ‘yan sa tv ah? Basta happy ka, kayo, happy na rin si Ate..
Pen. Sabi ng isang kaibigan, masyado raw matindi ang attachment ko sa mga pen, na minsan ay hindi na nila maintindihan ‘to.
Umiikot ang mundo. Nagbabago ang takbo ng mga pangyayari. May nawawala, may nakikita. Madalas, nakakasakit ang kaguluhan nito. Nakakainis makipagsabayan sa kanya. Away dito, gyera doon. Sa ganitong sitwasyon, pa’no mo kukumbinsihin ang sarili mong may pag-asa pa? Pa’no mo papaniwalain ang sarili mong totoo ang pagmamahal? Pa’no mo sasabihin sa sarili mong maswerte ka pa rin?
Sa isang kanayunan, isang babae ang nagkwento sa akin ng kalagayan nila. Isang salita ang nakakuha ng buong atensyon ko. ‘Gamit.’ Isa lamang silang gamit.
Isang grupo ng comfort women ang nagsalaysay sa’kin ng karanasan nila sa kamay ng mga kolonyalistang Hapones. Mass rape. Hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari sa kaso nila.
Napakaraming bata ang hindi man lang nakahawak ng papel o lapis. Kailangang magtrabaho agad. Napakaraming namamatay. Napakaraming nagsasakripisyo.
Sinubukan kong pasukin ang mundo nila. Pinilit hanapan ng lugar ang mga positibo kong pananaw. Pero nagulat ako sa nakita ko, sa natutunan ko.
Sila ang nagturo sa’kin ng tamang paggamit ng panulat.
Bawat pag-aaksaya ng tinta, katumbas eh pag-asa. Eskapo. Sa pagsusulat, nagagawang maganda ang isang panget nang kwento. Sa pagsusulat, ang emosyon ay nagiging tao. Nabubuhay.
Minsan, may nagtanong sa’kin, bakit hindi ka nalang bumili ng pen? Bakit kailangan mong maghintay ng magbibigay sa’yo nito? Pa’no kung dumating ang araw na wala ka nang matatanggap?
May pen para sa bawat tema. May pen para sa bawat emosyon. Madalas, nauubusan ako ng stock ng pag-asa. Sabi nila, sapat na raw ang pagmamahal para makapagsulat. Hindi rin. Minsan, nakakapanghina ang pagmamahal, at kakailanganin mo ang pag-asa para makapagpatuloy. Kinukuha ko ang pag-asang ‘yon sa bawat pen.
Kaya ko namang bumili. Pero ‘pag ginagawa ko ‘yon, parang niloloko ko nalang ang sarili ko. Parang namumuhay nalang ako sa isang pekeng mundong likha ng mga sinusulat ko. Parang ako nalang ang naniniwala sa kapangyarihan ng magandang katapusan. Kaya sa tuwing may nagbibigay, o nagpapahiram sa’kin ng pen, bumabalik ang lahat nang nawalang pakiramdam. Minsan pa, nagnanakaw ako ng pen sa mga kapatid ko. ‘Yon ay ‘pag pakiramdam ko, napakaraming kaluluwa na ang nawawala, napakaraming puso na ang naghahanap, na kailangan ko nang nakawin ang pag-asa. Para hindi maligaw, kumakapit ako sa pen ng mga nagmamahal sa’kin.
Kung sakaling dumating ang araw na tumigil sila sa pagbibigay, o maubos na ang pen ng mga kapatid ko, ang totoo, hindi ko alam kung anong gagawin ko. Natatakot akong isipin ‘yon. Nakakapangilabot. Sana, sa araw na ‘yon, nakapag-ipon ako ng maraming kahon ng pag-asa, pagmamahal at pananampalataya. Para kahit papa’no, makuha ko pa ring makapagpangiti ng ibang tao. Para kahit papa’no, may maibigay pa rin ako sa kanila.
Sa May 10, sa aking birthday, isang pen na naman ang gagamitin ko. Naubusan na ako ng tiwala sa gobyerno natin, pero binibigyan pa rin ako ng pag-asa ng pen na gagamitin ko sa araw na ‘yon.
Ang pagbabago, hindi ito ipinapangako. Hindi ito pinipilit. Dahil naniniwala ako na lahat tayo ay may kakayahang gawin ito, may posisyon man tayo o wala. Dahil ang pagbabago, nasa kamay ng masang Pilipino. Marami sa’tin ang naghihintay ng pagbabago, pero hindi naman handang kumilos para dito.
Binalikan ko ang batang nagtanong sa’kin ng birthday wish ko. Hindi ko mapigilang makita ang sarili ko sa kanya. Nagdadasal sa kabila ng kawalang pag-asa. Nagpapatuloy kahit sinasabi na ng mundo na irasyonal na ang gawin ito. Hindi kami naghahangad ng marangyang buhay. Isa lang naman ang gusto namin: NA SANA, ISANG ARAW, MAGAMOT NA ANG KANSER NA LUMALAMON SA ATIN – KANSER NG TAO, KANSER NG LIPUNAN.
..
Isa pang sana. Sana sa May 10, hindi lang edad ko ang magbago. Sana, mas marami ang mahigpit na kumapit sa kapangyarihan ng kanilang panulat…Sana mas maraming maging handang kumilos para sa pagbabagong hinahangad nating lahat…Pagbabagong hindi makasarili kungdi para sa kabutihan ng mas nakararami…Sana..
———————————————-
Isang Mapagpalayang Araw ng mga Kababaihan!
Naranasan mo na bang maging insomniac? Nakiusap ka na ba sa isip mo na tigilan ang kaiisip sa mga bagay at taong hindi na dapat isipin pa? Eh yung maasar dahil kung kailan mo kailangang magseryoso, dun ka naman natatawa?
Kapag naiipit ka sa ganyang sitwasyon, hindi ba nakakabadtrip? Kahit naman yung mga extreme optimist, hindi rin naman nakakaligtas sa ganyan. Oo, maniwala ka.
Naniniwala ako sa self-fulfilling prophecy. Na kung gusto mong mangyari ang isang bagay, kailangan mo lang maniwala at kumilos base dito. Madalas ko ‘yang ginagawa sa mga bagay na gustong-gusto ko. Walang nakakapigil sa’kin kahit pa nga ba mukha ‘tong imposible.
Nung college, madalas, kapag natatrap ako sa super daming activities na nawawalan ako ng oras para sa acads, iisipin ko lang ng iisipin na walang pasok kinabukasan, at nangyayari naman. Freaky nga eh. Kapag sinabi ko sa mga Classmates ko na may palagay akong wala ngang pasok, o hindi matutuloy ang report, o maeextend ang submission ng paper, nangyayari nga. Pero nanggagaling ‘yan sa matinding pagkagusto na mangyari ito.
Pero hindi sa lahat ng pagkakataon eh ganung kasimple lang ang buhay. Hindi naman lahat ng naiisip ko eh nagkakatotoo. Napakaboring naman kasi ng buhay kung lahat nalang ng gusto natin eh makukuha natin.
May mga taong matataas ang private self awareness. Intensified ang emosyon at reaksyon. Isa ako sa kanila. Yung tipong titingin palang ako sa salamin, alam ko na ang magiging shifting ng moods ko. Kaya nga kapag hindi para sa’kin ang isang bagay, ang dali ko itong maramdaman. Yung tipong gugustuhin ko palang sya, pero naramdaman kong hindi ito magwowork-out, tahimik nalang ako nyan. Alam kong kasalanan ko na kung magpapakagaga pa’ko sa kaaasa. Siguro may mga taong mas deserving lang ng gusto ko. Siguro mas gusto nila ‘yon, kung paanong sobra kong ginusto ang mga bagay na nakuha ko.
Anyway, normally, nangyayari talaga na hindi natin makokontrol ang naiisip natin. Sabi sa Psychology, isang reason daw eh dahil nawawalan na ng lakas ang willpower natin. Technically, ego depletion ang tawag dito. Kapag palagi nating ginagamit ang willpower natin, napapagod din ‘to, kaya kailangang ipahinga, o irecharge. Yung pagresist natin sa mga temptations, nakakaubos rin ‘yan ng power. In short, we should use our willpower wisely.
Minsan, nagbabackfire pa yung naiisip natin. Kabaligtaran ang nangyayari. Yung tipong may mga bagay kang kinakalimutan pero lalo mong kinokontrol ang isip mo, lalo lang silang naaalala. Gusto mong matulog, pero hindi ka inaantok. Kailangang tapusin ang thesis, pero tulog ang thesis partner ko. Haha. (Nagrerelax lang pala.) May technical na explanation kung
bakit nangyayari ‘to. Ironic Process Theory. Basta ang sinasabi lang eh kapag masyadong mabigat ang cognitive load (kahit yung mere thoughts natin), o ‘pag masyado tayong preoccupied, yung censor natin sa mga unwanted thoughts and feelings, unti-unting nasisira. Thus, mas nagiging madali ang pagpasok nila. Pansinin mo, kapag kailangan mong magconcentrate sa isang bagay, ang dami mong naiisip na distractions. Sa mood, ganun din. Kapag pagod ka, mahirap sabihan ang sarili na maging masaya, madalas nga, sa pagpipilit, lalo lang lumalala.
Sa study nina Wegner and colleagues (1993), may tatlong strategies silang binigay para maimprove ang ganitong sitwasyon. Una, take steps to minimize ongoing cognitive load so that mental resources are freed up. Hindi naman masamang magbreak kapag sobrang pagod na ang isip. Relax. Pangalawa, Stop trying to obsessively control your mind. At pangatlo, Deliberately try to induce unwanted symptoms in order to take ironic advantage of the cognitive load, and thereby alleviate those symptoms. Reverse psychology, sabi nga nila. Kung takot kang maisip ang ex mo, eh di isipin mo sya ng isipin hanggang sa magsawa ka at marealize mo na hindi naman pala gano’n kaimposibleng harapin ulit sya. Hmm.
Isang gabi, pinagusapan namin yan ng kaibigan ko, kaya naisipan ko rin iblog. Kung magulo ang pagkadiscuss, pasensya na. =) Ang totoo, nalilito rin kami. Siguro, ang kailangan munang ayusin eh yung attitudes natin. Kung magiging positibo ang tingin natin sa buhay in general, kapag napagmeet na natin ang ideal, actual at ought selves natin, posibleng hindi na gano’n magiging kahirap ang pagtanggap sa mga bagay-bagay. Fallacious ba? ‘Yaan mo na.
Yung mga temptations, palaging nandyan. Hindi naman kailangang icensor sila palagi. Iwelcome natin sila. Asarin. Hanggang sa magsawa sila. Gamitin natin sila para may magawa tayong makabuluhan. Sa case ko, kapag inaatake ako ng pagiging bipolar at hindi ako makatulog sa gabi, kaysa pilitin ang sarili, nagbabasa nalang ako, o nagsusulat. Hanggang sa antukin ako. Kapag may mga naalala akong mga taong hindi na dapat isipin, nagpapakaemo ako, for a certain time. Sobra-sobra na ang one hour. Pero after nun, okay na. Hindi naman masamang magpahinga, o malungkot. Basta, namnamin lang natin, dahil for sure, mamimiss din natin ang pakiramdam na ‘yan.
At ang pinakaimportante, have faith. Kung hindi natin makontrol ang mga bagay-bagay, baka ganun talaga, may kailangan silang ituro sa’tin na hindi natin matutunan sa sarili nating pamamaraan. =) ‘Yong mga pangyayari na beyond our control, hindi ba ‘yon din naman ang nagbibigay saya sa buhay natin? Yung once in a while eh pag-give in natin sa mga temptations. Eh ano kung bumagsak ako sa exam, eh naging masaya naman akong makipagbonding (habang nagdidiscuss ng national issues) sa mga kaibigan ko eh. Eh ano kung naforced drop ako sa isang subject ko? At least naging part ako ng Anti-TOFI rally. Yung mga ganun ba. Hindi mo masasabing naging makasarili ka; pinili mo lang ang sa palagay mo eh mas mahalaga sa’yo. Ako, bago magsimula ang week, nagseset ako ng number of ‘temptations’ o bisyo na papatulan ko. At araw araw, minomonitor ko kung ilan pa ang natitira. Nakabase sa performance ko last week ang allowed number para gawin ang isang bagay na makakapagpasaya sa’kin kahit nga bawal. Habit. Kapag nandaya ako, sarili ko ang niloloko ko. Nakuha ko ang idea kay Skinner, isang behaviorist.
Ayan. Sa wakas, pagkatapos ng ilang gabing pagpupuyat, inaantok na rin ako. =) Happy Night Everyone!
WALA AKONG TALENT.
Lahat naman ng tao, may talent. Eh sa wala nga ako eh, bakit ba ipagpipilitan?! Saka sa masaya akong walang talent eh, may problema?
Hindi ako writer. Nagpamisa pa ako ng pasasasalamat nang makita ang classcard ko sa dalawang writing classes ko sa college. Tres. Meaning, pasang-awa. Iginapang. Pinaghirapan.
Hindi ako artist. Sa lahat ng klase ng art, sablay ako. First time ko makapagdrawing last month. Hindi rin ako sumasayaw. Ang prinsipyo ko nga eh, hindi ko naman ikamamatay ang hindi pagsasayaw eh, bakit ako sasayaw? JS Prom lang ako napilit, kung sayaw ngang matatawag ‘yon. Umarte ako nung aking kabataan. May award pa nga ako eh. *Oo, maniwala ka.* Pero dumating ako sa point na natatawa na ako sa mga drama at naiiyak sa Sesame Street. Ayaw ko na.
Hindi rin ako musician. Pwede mo ako kausapin tungkol sa music (kahit anong genre), wag mo lang akong pakantahin o patugtugin, though may effort naman akong matuto. Marunong ako bumasa ng chords sa gitara, pero hindi ang tumugtog nang isang kanta. Marunong rin naman akong magflute. Kaya nga lang, pagkatapos kong makabasag ng tatlo, ayaw na ako ibili ng Nanay ko. Hanggang ganun nalang.
Hindi rin ako athletic. Bukod sa board-games, patintero lang at Table Tennis ang alam kong laruin. Naalala ko, elementary ako nang naging player ako ng Table Tennis. Pero nang nagquit (o grumaduate ata) ang crush kong player, tumigil na rin ako. Na ikinadismaya ng Tatay ko. Sayang naman kasi ang mga raketa, bola at table na pinilit kong ipinabili sa kanya nung nagsisimula palang ako.
Kinder, inaward-an kaming lahat para sa mga special talents namin. Naiiyak akong kinuha ang sakin. 1-million smiling face. Joke time. May mali sa title, pero may mas mali sa award. Talent na ba ang pagngiti?! Nalintikan na.
Pero ngayong 20 na ako, natatawa nalang akong isipin ‘to. Kasi naman nga, yung Best in Writing namin dati eh hindi naman Writer ngayon. Si Best in Music, ayun, CPA na. Si Dancer of the Year, rapper na ngayon. Eh ako, asan na’ko? At least, hanggang ngayon, napapanindigan ko pa rin ang title ko. Palaging nakangiti. Kahit wala ng dahilan. Kahit hinihingi na ng pagkakataong kalimutan ko ang pagiging masayahin ko. 🙂
Naiblog ko na dati ang tungkol dito. Ginusto ko lang isulat ulit. Para kasing ang simple ng lahat kapag naiisip ko ‘to. Oo, masaya ako ngayon. Minsan, may nagtanong sa’kin, anong stable – happiness o joy? Ilang segundo akong nag-isip. Alam ko na! Happiness! Proud na proud pa ‘ko sa sagot ko. Kasi, tingnan mo, may Chicken Joy! Hindi Chicken Happiness. Temporary lang ang Joy, ibig sabihin. Hanep ang analogy. Sobrang pinag-isipan. Haha. Pero mali daw. At ayun nga, inexplain na sakin yung Law of Esprit, at kung ano-ano pang teorya. Ang simple – simple ng buhay, ginagawang komplikado. Tsk.
Nitong nakaraang taon, maraming nangyari. Masakit. Masaya. Malungkot. Nagpaalam ako sa Buhay-UP ko. Ang Dorm. Ang Tambayan. Ang mga blue books. Ang mga Educational Discussion. Lahat. Ang mga Brods at Sisses sa Confrat. Namimiss ko na ang pagiging estudyante ko. Ang mga dating office mates. Ang SUPER-BAIT kong Boss. Ang mga military officers na kasali sa meeting, na hanggang ngayon ay itinetext pa rin ako para itanong kung anong agenda at kung anong result ng research ko. 3 months na’kong wala, hindi pa rin nila napapansin?! Tsk. Nag-alaga ng kapwa Bipolar. Nakipagkwentuhan sa mga pasyente sa ospital. Nagmahal. Nasaktan. Bumabangon.
2010 na. Masaya akong sumalubong sa Bagong Taon. Dahil sa mga nangyari sa 2009 ko, alam ko na ngayon ang daan na gusto kong tahakin. Naligaw ako. Naliligaw pa rin ako ngayon. Pero unti-unti, lumilinaw ang lahat. Mas matatag na ako ngayon. Mas matapang. Hindi katulad ng mga nakaraang Bagong Taon, hindi ko hinayaang lamunin na naman ako ng takot ko. Nakangiti, puno ng pag-asa ko ‘tong sinalubong.
Marami akong gustong gawin ngayon. Magsulat. Magdrawing. Magpaint. Magsayaw. Tumugtog. Mag-aral manahi. Magturo. Magmountain-climbing. Magbasketball. Manood ng pagsikat at paglubog ng araw.
Marami pang mangyayari. At alam ko, hanggang mahigpit ang kapit ko sa Kanya, magiging madali at mas makabuluhan ang pagharap sa mga nakakakabaliw na sitwasyon. Naiintindihan ko na.
Hindi ko pala kailangan maging magaling na writer para makapagkwento. Hindi ko kailangang maging artist para maexpress ang sarili ko. Payapa na ang mundo ko. Ngayon, panahon na para gawin ko ang responsibilidad ko sa kapwa ko. Maglilingkod ako sa paraang alam ko. Hindi ko man kayang samahan ang mga Kapatid at Kasama, na dinala na sa mas malalim na paraan ang laban namin para sa Sambayanan, ang prinsipyong pilit namin pinanindigan, hindi man ako pumasok sa kumbento katulad ng hinihiling sakin ng ilang tita at mga kaibigang pari at madre, alam ko, sa gagawin ko, mas magiging makabuluhan ang buhay ko, mas magiging ako ang dapat na maging ako. 🙂 At basta, hindi pa rin ako susuko sa pangarap ko na maging instrumento sa pagkamit ng ‘world peace.’
Wala akong talent. Hindi ko naman ikamamatay ang kawalan nito. At lalong hindi ‘to dahilan para hindi ako maging masaya sa buhay ko. Hindi ako matalino. Pero hindi ibig sabihin nito, hindi ko kayang magbahagi ng alam ko. Yayakap ako ng bagong responsibilidad. Nakakatakot. Pero kakayanin. Dahil unti-unti nang nareresolve ang dissonance na dulot nang hindi pagkakatugma-tugma ng ideal, ought at actual self ko. Dahil ako at ang pangarap ko ay nagiging iisa na.
Isang taon na rin pala ang blog ko. Isang taon nang pagrereklamo. Isang taon nang pag-i-EMO. Isang taon nang paghahanap.
I EXISTED. And now I LIVE.
Happy 2010 Everyone! 🙂