MALAKAS ang ulan sa labas. Minsan pa’y may kulog at kidlat na sumasabay sa malalaking patak ng ulan sa bubungan. Hatinggabi na ngunit hindi makatulog si Biboy. Takot siya sa kidlat. Nanginginig ang buong katawan niya kapag kumikidlat. Dumagdag pa ang madilim na gabi. Ang tanging liwanag na nakikita niya ay ang mapusyaw na ilaw ng lampshade sa tabi ng kanyang higaan.
Nang muling kumidlat ay gustong-gusto na niyang tumakbo patungo sa kuwarto ng kanyang Mama at Papa ngunit pinipigilan niya ang sarili. Binawalan na siyang matulog kasama nila. Kailangan daw niyang masanay na matulog na mag-isa. Isa pa’y mahigpit siyang binilinan ng ama na huwag iistorbohin ang ina dahil sa may sakit ito at kailangang magpahinga.
Isang malakas na kidlat muli ang tumama sa di kalayuan. Kumaripas na siya ng takbo palabas ng silid. Wala na siyang pakialam. Basta pupuntahan na niya ang mga magulang at magmamakaawang doon na siya matulog.
Natigilan siya sa tapat ng pintuan ng silid ng mga magulang. Ito ang paborito niyang silid sa kanilang bahay dahil pakiramdam niya’y ligtas siya rito. Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam siya ng takot.
“Mama!” mahinang tawag niya na sumabay sa malakas na kulog.
Papasok na sana siya sa silid nang matigilan siya. Isang babae ang nakatayo sa gilid ng kama. Malamlam ang liwanag na nagmumula sa lampshade kaya hindi niya mamukhaan ito. Akala niya noong una ay ang Mama niya ito ngunit nang makita ang anino nito ay napagtanto niyang ibang babae ang nasa silid. Sigurado siyang babae ito, payat at kalbo, hindi gaya ng kanyang ina na may malago at lampas balikat na buhok. Kinabahan siya nang makita sa anino na tila may hawak itong matulis na bagay. Nag-alala siya, baka kung ano ang gawin ng babaeng ito sa kanyang ama’t ina.
Napapikit siya nang muling kumidlat. Nang magmulat siya ng mata ay nasa harapan na niya ang butuhang mukha ng babae, nanlilisik ang mga mata at nakalantad ang matatalim na pangil. Kumawala ang matinis niyang sigaw na pumunit sa kalaliman ng gabi.
“Biboy! Gising, anak!”
Naramdaman niya ang pagyugyog sa kanyang katawan. Habol ang hininga, nang magmulat siya ng mata ay nakita niya ang nag-aalalang mukha ng kanyang Papa. Ang ate Claire niya ay nasa likod nito.
“Nananaginip ka na naman, anak,” sabi ng lalaki.
“At naihi ka na naman sa higaan.” Tila nagpipigil sa pagtawang dagdag ng kanyang nakatatandang kapatid.
“Si Mama po?” Nahihiyang tanong niya nang makapa ang basang higaan.
“Nasa kuwarto, naghahanda at kailangan naming pumunta sa doktor ngayon. Si Tita Mila ulit ang kasama niyo dito.”
Nang makapagbihis ay gustong puntahan ni Biboy ang ina sa kuwarto ngunit tinatalo siya ng takot sa kanyang panaginip. Ilang araw na niyang hindi nakikita ang ina. Nami-miss na niya ang ina. Nasasabik na siyang makasama ito. Gusto na niyang muli itong makitang abala sa pagluluto sa kusina. Gusto na niyang muling mapagalitan ng ina kapag hindi niya naililigpit ang mga pinaglaruan.
Ilang linggo na ang nakararaan nang malaman niyang maysakit ang ina. Labis siyang natakot at nag-alala. Madalas ay sinisilip niya lang ang kuwarto nito. Inaabangan kung naroon ito, kung bukas ang ilaw ay magtatangka siyang sumilip upang masulyapan kahit saglit man lamang ang ina. Ngunit kung makikita siya nito ay agad naman siyang tatakbo palayo. Hindi niya alam kung pwede ba siyang lumapit dito.
Malalim ang iniisip niya nang biglang lumabas mula sa kuwarto ang kanyang ina. Nagulat pa siya dahil halos hindi na niya ito makilala. Bago ang ayos ng buhok nito at malaki rin ang ipinayat.
Nataranta siya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Lalapit ba siya at gaya ng dati ay yayakap at hahalik? Paano kung bawal? Paano kung mapagalitan lang siya? Bago pa siya nakapagdesisyon kung ano ang gagawin ay nakalapit na ang Mama niya. Hinaplos nito ang kanyang baba at hinalikan siya sa noo.
Hindi siya komportableng makita ang ina sa gayong ayos. Iniwasan niyang tingnan ang mukha nito. Nakangiti kasi ito ngunit malungkot ang mga mata.
ILANG oras silang naglalaro ng kalaro niyang si Theo. Naglaro sila ng paborito niyang video games. Nang mainip ay mga action figures naman ang kanilang inatupag. Makulit at malikot si Theo, parang laging di mapakali. Ang totoo, wala siya sa mood na makipaglaro. Marami ang tumatakbo sa isip niya. Lagi siyang sumusulyap sa silid ng kanyang mga magulang, lagi kasi niyang naaalala ang kanyang panaginip, ang babae sa silid na iyon.
“Uuwi na ako,” mayamaya’y sabi ni Theo. “Boring ka naman kalaro e. Sa bahay na lang ako maglalaro.”
Nasaktan ang damdamin ni Biboy. “E, bakit ka pa nagpunta rito kung boring akong kalaro?”
“Sabi ni mommy makipaglaro daw ako sayo, nakakaawa ka raw kasi.”
“Ba’t naman ako nakakaawa?”
“Sabi ni mommy mamamatay daw ang mama mo.”
Nawala sa kamay niya ang action figure na nilalaro niya. Namalayan na lamang niya, malakas na ang pag-iyak ni Theo at nagkakagulo na ang mga tao sa paligid nila.
“Bakit inaway mo si Theo, anak? Sabi niya, binato mo raw siya ng laruan.” Malumanay ang tinig ng kanyang ama. Hindi niya ugaling makipag-away sa kalaro.
Kusang tumulo ang mga luha niya. “Sabi niya, mamamatay raw si Mama.” Humihikbi, habol niya ang hininga.
Napabuntunghininga ang ama. “Di ba sinabi ko naman sa inyo, may sakit ang mama mo. Pero ginagawa ng mga doctor ang lahat upang gumaling siya.”
“Hindi po siya mamamatay?”
Naglayo ng tingin ang ama. “Ako at ang Mama mo ay hindi mo habang buhay na makakasama, anak. Darating ang araw, iiwan ka namin kasi kaya mo nang mag-isa. Pero ang ipinagdarasal ko, sana makasama pa natin nang matagal ang Mama mo.
“Ano po ba ang sakit niya?”
Sandaling nagdalawang isip ang ama bago nangusap. “Kanser,” gumaralgal ang tinig nito.
Narinig na niya ang sakit na iyon sa mga pelikulang pinapanood ng ina. Ngunit hindi niya alam kung ano ang sakit na ito. Nakita marahil ng kanyang ama ang mga mata niyang lalong nagulumihanan kaya sinubukan nitong ipaliwanag kung ano ang sakit na kanser maging ang paraan ng gamutan.
Napatango tango lang si Biboy kahit na hindi pa rin niya lubusang maunawaan. Ang matimbang sa isip niya ay ang mga napanood niyang mga pelikula kung saan nakakalbo at namamatay ang taong may kanser.
“Pramis, dad, hindi na ako maglilikot at hindi na rin ako magpapasaway para hindi na magkasakit si Mama.”
“Nak, hindi mo kasalanan kung bakit nagkasakit ang mama mo. Huwag mong isipin na kasalanan mo. Lagi mong tatandaan, matapang ang mama mo, lalabanan niya ang sakit para sa atin.”
“Sabi po ni Mama, hindi ako pwedeng lumapit sa taong maysakit kasi baka magkasakit din ako. Hindi rin ba ako pwedeng lumapit kay Mama?”
“Ang sakit ni Mama mo ay hindi nakakahawa kaya pwede kang lumapit sa kanya. Pero kapag naggagamot ang mama mo, mahina ang kanyang katawan kaya’t madali siyang mahawa sa ibang sakit. Kaya hindi ka pwedeng lumapit sa kanya kung mayroon kang sakit at baka siya ang mahawa. At minsan, hindi maganda ang pakiramdam ni Mama mo at gusto niya lang magpahinga, kaya dapat wag natin siyang istorbohin.” Mahabang paliwanag nito.
“Dapat mo ring malaman na habang ginagamot ang mama mo, may mga magbabago sa kanyang katawan pero hindi tayo dapat matakot dahil epekto ito ng mga gamot na kanyang iniinom upang gumaling siya. Gaya ngayon, pumayat na ang mama mo at nawala na rin ang kanyang mga buhok. Pero kapag gumaling siya ay muling babalik ang dati niyang katawan at ang malago niyang buhok.”
Saka lamang naunawaan ni Biboy ang kakaibang ayos ng buhok ng kanyang Mama at kung bakit ito laging matamlay. “Pwede ko po ba siyang puntahan ngayon?”
Tumango ang ama saka kinusot nito ang buhok niya.
Kaagad siyang tumakbo patungo sa kuwarto ng mga magulang. Nang buksan niya ang pinto ay natigilan siya. Muli niyang naalala ang kanyang panaginip. Tumambad sa kanya ang pamilyar na imahe: ang babaeng walang buhok. Ngunit ngayon ay malinaw niyang nakikita kung sino ito. Wala itong nanlilisik na mga mata at mahahabang pangil. Ang babae ay maamo ang butuhang mukha. Ibang-iba ang itsura nito, ngunit kahit sa karamihan ng tao, makikilala niya ito. Ang kanyang Mama. Nabigla ito nang maramdamang may tao. Nagmamadali nitong kinuha ang peluka na nasa ibabaw ng kama. Natutop nito ang bibig nang makita siya. Bakas sa mukha ang kahihiyan na makita siya sa ganoong kalagayan.
“Mama,” mahinang nasabi niya, pakiramdam niya’y tutulo ang kanyang mga luha. Naramdaman niya ang mga kamay ng kanyang ama sa kanyang balikat. Nakita niyang nagkatinginan ang mag-asawa.
Walang sigla ang ngiti sa mga bibig ng kanyang ina. “Halika, anak,” sabi nito. Mahigpit niyang niyakap ang ina na parang ayaw na niya itong pakawalan. Gusto niyang bawiin ang mga pagkakataon na hindi niya ito nayakap dahil sa takot niya.
Mula noon ay mahimbing na siyang nakatutulog. Hindi na niya nababasa ang higaan at hindi na rin niya napanaginipan pang muli ang babae sa silid ng kanyang Mama.
WAKAS
Ang kuwentong ito ay kalahok sa Saranggola Awards.





Malaking issue ngayon sa social media, bukod sa malagim na trahedya sa Paris, ang trapik na idinudulot ng APEC sa Pilipinas at ang kontrobersyal na panayam kay Alma Moreno, ay ang paglalagay ng bandila ng France sa profile picture sa Facebook ng marami upang makisimpatya sa mga biktima ng pag-atake sa nasabing bansa. 
