Napakaraming mga status updates na lumabas. Madaming mga notes. Madami lalong mga threads na nagawa. Isinulat, binuksan, para makapaglinaw sa napakaraming mga isyu na bumalot sa PUP nitong nakaraang dalawang linggo.
At dahil tapos na sila, ako naman. Ayos ba? hehe
Ayoko na mag-narrate tungkol sa mga nangyari. Alam na iyon nang halos lahat ng mga estudyante. Ang isyung pang-lokal ng PUP ukol sa pagtataas ng matrikula, ay naging pambansang kampanya para sa panawagan sa mas mataas na budget sa edukasyon. Nag-protesta, sinunog ang mga upuan, at ikinulong ang 5 estudyante. Tapos na ang BOR meeting, nakalaya na ang 5, wala nang TFI para sa Academic Year na darating. So ano pang sense ng mga sinasabi ko? Actually, gusto ko lang banatan yung mga estudyante na binabanatan ang kanilang mga kapwa estudyante.
Sa tingin ko ay naisulat na ito sa ibang sanaysay, ginamit na ring pamagat ang tema, pero gusto ko pa ring pag-usapan ang moralidad at etika ng naganap na protesta.
Barbariko ang tawag nila sa atin. Walang modo. Bastos. Astang halimaw. Radical.
Marami pa naman maaaring gawin. Marami pa naman raw paraan. Hindi tayo dapat nag-resort sa karahasan. Pinapapapangit lamang natin ang ating imahe sa napakaraming mga tao at mga kumpanya. Papaano na lang ang mga nakatapos nang mga Iskolar ng Bayan? At isa pa. Sayang ang mga upuan. Maaari pa itong gamitin, puwede pang pag-tyagaan. So bakit hinagis, bakit sinunog? Kaya nagagalit sa atin si Arn-arn. π
Napakaraming mga columns mula sa Philippine Star ang lumabas para kundenahin ang mga ginawa natin. Alex Magno, Danny Macabuhay, at Marichu Villanueva. Sila ang ating mga dakilang moralista. Tinawag tayong mga Maoist youths, walang common sense, at asal-HALIMAW. Isang tanong para kay Danny Macabuhay na tumawag sa atin nito, mayroon ba talagang mga halimaw na nag e-exist? Spatial at temporal beings na halimaw na ginamit niya as point of comparison? Baka naman sarili lamang niya itong mental construction. π
Nakagugulat na sa atin mismong pamantasan, mayroong mga estudyante na tinawag tayong Barbariko. Na para bang tayo pa ang mayroong kasalanan ng lahat nga mga nangyayari. Na hindi tayo dapat naghagis at nagsunog na mga upuan. Na napakarami pang paraan para solusyonan ang problema.
Ilang beses ko na rin itong naitanong. Pero gusto ko pa rin ulitin. Sa isang pamantasan na wala nang planong pag-aralin ka dahil sa taas ng tuition, alin ang mas marahas: Ang simbolikong pagsusunog ng mga sirang upuan bilang protesta, o ang pagpapabaya ng administrasyon sa pag-aaral ng mga estudyante? Hindi ko kasi maintindihan, bakit pinag-iinitan ang pagsusunog ng upuan at hindi ang isyung nasa ating harapan?
Maraming disgustong pwedeng ipukol, pero mas maraming mga tanong ang pabalik nating ibabato. Sa ganitong kontektso, na tinatawag tayong mga imoral, sino nga ba ang nagdidikta ng moralidad? Papaano ba natin ipinag-iiba ang tama sa mali?
Ang sabi ni David Hume sa kanyang “Treatise of Human Nature”, hindi naman kasi ang ating reason o rationale ang nagdidikta sa atin ng ating gagawin. Hindi sapat ang rationale, dahil gumagamit ito ng non-secular na basis. Ang origin ng morality, ay passions and sentiments. Sympathy kumbaga. Mabagal ang rationale, hindi kayang sabayan ang human impulse and spontaneity. Halimbawa, kung nakakita ka ng taong ninakawan o ginagahasa, hindi ka na magpo-proseso sa utak mo kung anong gagawin. Impulse na natin na tumulong sa nangangailangan. Unless, manhid ka, o walang pakiramdam. Kung ilalapat natin ito sa konteksto ng protesta, na alam mo na may naka-ambang tuition fee increase, automatic sa atin ang pumalag at mag-aklas. Sinubukan naman natin makipag-usap. Sinubukan na natin ang halos lahat ng avenues para makipag-usap. Dialogue dito, consultation doon. Pero walang pumansin. So anong gagawin? E di mag protesta, mag sunog ng upuan nang mapansin. Simboliko ito. Kung papaano natin sinusunog ang mga bulok na pasilidad, tulad ng kung papaano natin susunugin ang mga polisiyang hindi para sa interes natin.
Sa “Thus Spake Zarathustra” naman ni Friedrich Nietzsche, sinabi na niya na ang kasalukuyang moralidad ay walang ibang itinuturo sa atin kundi maging pasibo at mahina. Dynamic ang tao, ever changing. Absolute ang dogma ng kasalukuyang morality, kaya hindi ito magsasalubong kahit kailan. Walang ibang paraan kundi sirain ang kasalukuyang moralidad para bumuo ng bago. Sa mga Nitzscheans, “revaluation of morals” ang tawag dito. Sa ating mga aktibista, pagbabagong panlipunan ito.
Walang nakinig sa atin nang sinabi natin na hindi maaaring magkaroon ng TFI sa PUP. Nagprotesta tayo pero walang pumansin. So anong gagawin? Para tayong itinutulak sa pader. Walang ibang pagpipilian kundi ang mag-aklas, maging mapangahas. Ang dating militante lang, barbariko na ngayon. Pero kaninong standpoint ba ang ginagamit nila? Standpoint ito ng ruling-class. Na nagtuturo sa atin na bawal tayong pumalag. Hindi pwedeng sumigaw. Kahit bulong ng pag-angal, bawal. Hindi tayo pwedeng magksaya dito. Gagawa tayo ng sarili nating tama at mali. Moral relativism ang tawag dito. Relativist na kung relativist, pero nakasandal tayo sa kapakanan ng halos 10,000 na mga bagong estudyante na papasok sa PUP. Nakasandal tayo sa mga pangarap nila na makapag-aral. Nakasandal tayo sa dasal ng kanilang mga magulang ng magandang bukas.
Ang sabi ng ating mga kritiko, “the end will never justify the means.” Even if we have already won the fight, it will never justify the fact that the means to achieve this victory was out of line. Pero, kaninong linya ba ang hindi natin pinansin? Moralista sila, pero para kanino ang morality na ipinipilit nilang isiksik sa atin? E papaano pala kung sinabi natin na mga pragmatists tayo? Na nakikita natin ang utility o kahalagahan ng ating ginawa sa mga makikinabang dito. Na ang pagsusunog ng mga upuan, ang pagiging barbariko, ay nagresulta sa pagkakabasura ng pagtaas ng matrikula. Ergo, the end now justifies the means.
Tapos na ang issue ng TFI para sa taon na ito, pero alam ko na babalik pa rin ito sa PUP, parang mga multo. Pero hindi tayo titigil sa pagiging barbariko. We will transcend the word’s dictionary meaning and create our own. Transgression ang tawag dito.
Kahit naman kasi kailan, hindi sasapat ang pagdadasal at pagsisindi lang ng kandila para maging akto ng paglaban.