Unang linggo pa lang ng Hunyo, tatlong burol na ang napuntahan ko. Rekord talaga ‘to.
Isang text message, dalawang deds ang laman. Sumuko ako isang gabing dapat dalawang lamay ang pupuntahan ko. Nakakapagod malungkot. One lamay at a time lang ang kaya ko.
Tatay ni B, nanay ni D, kapatid ni V– mga magulang at kapatid ng mga kaibigan. Si tatay at nanay matagal ng maysakit, mainam na ring nakapagpahinga sila. Mabigat kay V ang pagkawala ni ate. Biglaan at hindi siya handa. Sa totoo lang, dito rin ako tinamaan ng sobrang lungkot.
Patay na rin si Ma’am Elizabeth, Mamita ni Dave. Kagabi lang patay na rin si Lolo Miguel. Ayaw niyang magpagamot kay Santino. Si Tito Dougs iniwan na rin ang mga alaga niya.
Mga kamag-anak, showbiz man o karakter sa teleserye ang mamatay, life must go on. Ganyan talaga ang buhay.
Pero iba ang pagkawala ni Ka Fermin. Isang lider magsasaka sa Negros Oriental. Pinatay siya dahil laban siya sa gobyerno. Binaril siya dahil ipinaglalaban niya ang lupa para sa mga magsasaka. Hindi lang lungkot ang katapat ng pagkamatay ni Ka Fermin. Galit at sigaw para sa katarungan.
Hindi pa tapos ang Hunyo, nangangalahati pa lang. Huwag na sanang madagdagan pa ang listahan sa obitwaryo.









