Sa ala-ala at sa mga pira-pirasong memorya

Hayaan mong alalahanin ko kung paano kita naaalala
 
Sa lahat ng bagay
Sa bawat lugar
Sa lasa ng pagkain
Sa dampi ng hangin
Sa lagaslas ng tubig
Sa ingay ng paligid
Sa galaw ng mga sasakyan
At sa bawat liko ng daan
 
Bigyan mo ako ng pagkakataong alalahanin ka kahit sa alaala
 
Sa ngiti mong matamis
Sa maharot mong tawa
Sa lagalag mong paa
Sa mahusay mong kamay
Sa dalahira mong bibig
Sa masarap mong pag-ibig
 
Kung pwede lang kitang makasama kahit sa ala-ala
 
Mananatili ako
Kahit gaano katagal
Kahit katawan ko’y mapagal
Pumikit man ang mata
Sumuko man ang paa
Kahit kailan
Ay hindi mo mapapasuko
Ang puso na subok
Sa tatag at tibay
Sa tigas at husay
Sa pagtitiis lumbay
At sa kalungkutan ay nasanay
 
Kaya hayaan mo akong alalahanin kita kahit sa ala-ala
At sa pira-pirasong memorya
Na magsisilbing lakas
Upang magpatuloy
Mahal

May dahilan ang mga tala kung bakit ka dapat magtiwala

P_20170201_115512_SRESSaksi ang mga bituin sa malawak na langit
Kung paano mo ninakaw ang ngiti sa labi at pinalitan ng pait
Na hinayaan mong mahulog ang mga tala nang hindi humihiling
At pati ang sinag ng pag-asa ay ipinagdamot mo rin
Gusto ko pa sanang sumilip sa liwanag at tsansa ng tayo
At humakbang pabalik mula sa naka-ambang paglayo
Ngunit sadyang malakas ang pwersa ng uniberso
Dahil inilalayo ka niya sa mga hindi mabuting tao
Na nakatakdang wasakin at durugin ang puso mo
At palitan ng dilim ang makulay mong mundo
Kaya magtiwala ka sa sinasabi ng mga bulalakaw
Dahil hindi ka nila hahayaan na tuluyang mapukaw
At lamunin ng bingit sa nakaambang pagkagunaw
Ng iyong mundong pinaghirapan buuin, patatagin
Kaya hayaan mong sagipin ka ng mga tala sa langit
Dahil iniiwas ka lamang nila na maramdaman ang sakit
Ibigay ang puso, magtiwala, maniwala
Darating din ang araw na hindi ka na muling mawawala

Dahil hindi ka naman talaga nasaktan no’ng iniwan ka niya

Para sa balde-baldeng luha na iniyak mo

OA no? dapat mga isang tumblr lang, dalawa

At sa hindi mabilang na panyo na nabasa

Hindi lang ng luha, kundi pati sipon, laway, etc

Ngayon humihingi ka ng pasensya sa mga unan mo

Na hindi mo pinatulog

Sa Hello Kitty mong kumot

Na nasisingahan mo rin

Sa maliit mong kwarto

Na ilang buwan mong hindi nalinis

At sa tuta mong si kungfu panda

Na nangayayat na dahil sa hindi mo napapakain ng tama

Humihingi ka ng sorry

Sa katangahan na pinamalas mo

OO, katangahan

1st Place ka do’n eh

Iyakan mo ba naman

Ang mokong na hitad na ‘yon

Eh mas pogi pa ata

Iyong taong grasa sa kanto

Na pinagbintangan mong baliw dati

Tapos sumagot na hindi raw siya baliw

Taong grasa lang daw siya

Hinusgahan mo siya agad

Eh hindi naman pala lahat

Ng taong grasa eh baliw

Kaya ngayon sa pagkakataon na ito

Wala kang karapatan na magreklamo

Kung hinuhusgahan ka namin

Dahil sa katangahan mo

Tanggapin mo lang lahat

Katulad ng pagtanggap mo pa rin sa kanya

Sa tuwing nambababae siya

Tanggapin mo lang lahat

Ng salita na ibabato sa ‘yo

At ang katotohanan

Na hindi ka naman talaga nasaktan

No’ng iniwan ka ng hud*s na ‘yon

Dahil mas nasaktan ka

Do’n sa pagmamahal mo

Na hindi naibalik ng tama

Do’n sa pagmamahal niya

Na pinagmukha ka lang kawawa

Dahil mas nasaktan ka

No’ng bumalik siya

Para lang sabihin sa’yo

Na hindi ka na niya mahal

At ngayon pinagsisisihan mo

Kung bakit nakiusap ka pa na bumalik siya

Dapat pala hinayaan mo na lang siya umalis

Para hindi naipamukha sa ‘yo

Ang dahilan kung bakit ka niya iniwan

Nagsisisi ka tuloy ngayon

Nasasaktan ka tuloy ngayon

Kawawa ka naman

Dalawang Elemento ng Paglisan

Sabihin mo sa hangin
Kung paano mo nalimot
Ang sugat na hindi nagamot
Dahil sa pag-ibig na ipinagdamot           
At kung paano mo isinulat
Sa tubig ang pangako natin
Na sabay nating kakamtin
Iyong pangarap na gusto nating abutin
Ng magkasama at magka-hawak-kamay
Na hindi bibitiw
At patuloy lang na kakapit
Sa pagmamahal mo
At pagmamahal ko
Sa pagmamahal natin
Na itinuring kong akin
Na tuluyan lang naging akin
Dahil mas pinili mong lumisan
At tuluyan ng magpaalam
Sa pag-ibig na sobrang ipinaglaban
Dahil sa katotohanan
Na sa dalawang nagmamahalan
May isa lagi ang naiiwan
Na siyang magpapalago ng nasimulan
Katulong ang hangin at tubig
Kung saan naisulat at nasabi
Ang pag-ibig na naitabi
Para mabuhay at huminga
Kahit sandali
Kahit mag-isa
Kahit wala ka na

 

Feeling ko nabingi lang ako

12507633_1177457378948248_8386054670068538130_n

Madilim na ang kalangitan
Nagbabadya na ang pag-ulan
Hinihintay kita sa dati nating tagpuan
Suot ang regalo mo no’ng huli kong kaarawan
Sabi mo magkita tayo
Sa wakas ninais mo na makita ako
Matapos ang higit isang buwan
Na hindi ka nagparamdam
Siguro nami-miss mo na ako
Ano kaya ang sasabihin mo?
Sabi mo sa akin importante
Siguro may plano ka ulit
Out of town?
Staycation?
Sobrang excited na ako
Hanggang sa dumating ka na
Sa wakas
At inihayag mo na ang importante bagay
Kasabay ng pagbuhos ng malakas ng ulan
Feeling ko nabingi lang ako
Kaya sabi ko paki-ulit
Inulit mo
Sabi ko paki-ulit
Inulit mo ulit
Sabi ko hindi ko marinig
Ayaw kong marinig
Hindi ko kailanman maririnig
Na umaayaw ka na
Sa tatlong taong samahan nating dalawa
Dahil kamo may mahal ka ng iba?
Hindi ko marinig
Feeling ko nabingi lang ako
Hanggang umalis ka na
Dahil hindi mo na kaya ang lakas ng ulan
Ako kaya ko ang lakas ng ulan
Kahit na gaano pa kalalaking patak ‘yan
Ito ang hindi ko kaya
Ngayong talagang nagpapaalam ka na
Saan ba a
ko nagkulang?
Mahal

Goldfish | 07/04/2016 | 10:14AM

 

Daily Writing Prompt: Write about the shadows of the morning

image

Weird daw ako.

Kasi hindi raw ako nagsasalita kahit kinakausap. Kasi wala raw akong emosyon sa mga kaganapan. Kasi mag-isa lang ako kumakain. Kasi mag-isa lang akong umuuwi. Kasi wala raw akong sinasamahan na lakad. Kasi NR (no reaction) lang daw ako palagi. Tulala. Malayo ang tingin. At kung anu-ano pa.

Weird daw ako.

Kasi wala raw akong kaibigan. May sariling mundo. May sariling kausap. Walang opinyon. Walang suhestiyon.

Pero akala lang nila ‘yon.

Kasi para sa akin,

Sila ang weird.

Nagsasalita kahit hindi kailangan. Umeepal kahit hindi kausap. Nakikisali kahit wala naman silang kinalaman. Nagbibigay ng opinyon kahit hindi naman hinihingian. At kung anu-ano pa.

Napaka weird talaga nila.

Makikipagbreak sa boyfriend pero iyak naman ng iyak. Sinisiraan ang katrabaho pero lagi naman niyang kasama. Naka iphone 6 plus pero laging walang load. May dala-dalang sasakyan kahit na 100 metro lang ang layo ng tirahan niya. Ang arte-arte magsalita kahit wala namang brace. At kumakain sa turo-turo matapos mag-inaso na takot daw siya magkasakit ng typhoid.

Kaya kahit anong pilit nila. Hindi ko sila kinakausap. Hindi ko lang feel. Wala akong pakialam. Akala lang nila wala akong kaibigan pero akala lang nila ‘yon.

Si Aron.

Kasama ko na siya tuwing umaga simula bata pa lang ako. Kalaro. Kabiruan. Katawanan. Hanggang ngayon na nagta trabaho na ako ay kasama ko pa rin siya lagi. Hindi ko nga alam kung anong school siya pero lagi ko siyang katabi dati pa. Hindi nag-u-uniporme. Hindi nagsasapatos, pero hindi siya nakagalitan ng teacher namin kahit isang beses.

Si Betty.

Nakasama namin siya ni Aron pagkatapos kong magkasakit dati. Sakitin din siya at nakilala ko siya isang umaga no’ng inilabas ako para maarawan sa ospital na halos tinirhan ko ng isang buwan no’ng 12 anyos pa lang ako. At pagkatapos ng isang buwan na ‘yon, lagi na rin kaming magkasama. Malapit lang ata bahay nila sa amin kaya kahit hanggang hapon minsan ay andun  pa siya. Parang si Aron. Hindi niya rin ako iniiwan.

Si Caloy.

Nito ko na lang nakilala si caloy isang araw habang naglalakad ako sa kung saan. Taliwas sa ugaling masayahin nila Aron at Betty, lagi namang nakasimangot si Caloy taga-kontra sa mga rules ng laro. Taga supalpal sa mga biruan at tawanan. KJ nga ang tawag namin sa kanya. Pero kahit ganoon, hindi niya rin ako iniwan. Hindi katulad ng mga magulang ko at mga kamag-anak. Pagkatapos ko kasing maulila ay pinaampon na ako kung kani-kanino. Pare-parehas sila.
Kaya pagkatapos no’n, hindi na ko interesado sa ibang tao. Wala akong pakialam. Wala.

Si Aron, si Betty at Caloy.

Sila lang ang mga kaibigan ko. Mabuti na lang at nakilala ko sila. Salamat sa mga taong iniwan sila sa kung saan. Silang tatlo lang ang katulad ko ng pinagdaanan.

Kahit na hindi sila pwedeng magpa-abot ng dapit-hapon kapag magkakasama kami. Kahit na hindi sila nagpapalit ng damit at ng kulay ng suot. Kahit na hindi sila dumurumi o pinagpapawisan. Kahit na wala silang mukha. Kahit na kakulay nila ang usok sa edsa.

Wala akong pakialam.

Weird kayong lahat.

Daily Writing Prompt: Write about the way he died

Nakita ko lahat.

Mabilis ang takbo ng bus na sinasakyan niya pa-Norte. Magkausap pa kami no’n bago mangyare ang hindi inaasahan ng lahat. Masayang nagkakamustahan at nagke-kwentuhan sa mga nakaraang kaganapan sa buhay naming magkaibigan. Tatlong taon na kasi mula no’ng huli kaming nagkausap ng matagal at ngayon lang kami bumabawi ng mga naipong tawanan, kalokohan at katamtamang iyakan. Sobrang na-miss ko ang mokong na ‘to sa loob-loob ko.

“Makikita ko na ulit ang school natin Par, yung malaking puno ng pine tree sa tapat ng tindahan ni Ka Abeng at ang mapupulang strawberry sa kalapit bayan. Nako, sobrang nangulila ako dito at wala kasing ganito sa Singapore,” ani Jiro, ang matalik kong kaibigan.

Tatlong taon kasi namalagi sa SG si Jiro. Programmer siya sa isang malaking kompanya na pinagta trabahuhan din ng kanyang ama. Labag man sa kalooban niyang umalis ay wala siyang magagawa at gusto ng tatay niya na siya ay doon na rin magtrabaho.

“Mabuti nga at pinayagan ako ni Daddy magbakasyon muna dito sa Baguio at hindi sa bahay namin sa Makati. Nakakasawa na rin kasi. Puro building na nga ang nakikita ko sa ibang bansa ay pati ba naman dito sa Pinas.”

Ilang oras na rin kaming magkausap nang nagkaroon ng maliit ng komosyon sa bandang unahan ng bus. May nagsisigawan na tao.

“KUYANG DRAYBER ANO BA? PAKI-INGATAN NAMAN HO ANG PAGMAMANEHO AT KANINA PA PO TAYO PARANG NAKIKIPAGKARERA DITO,” sambit ng isang lalaking pasahero na halata ng mainit ang ulo.

Sinang ayunan ni Jiro ang lalaki habang kausap ako at sinabi na sobrang bilis nga raw magpatakbo ni kuya. Hindi lang daw niya alintana at masyado kaming libang na libang sa walang katapusan na kwentuhan namin.

Babalik na sana kami sa masayang kwentuhan ng biglang pumihit pakaliwa ang bus at halos lahat ng pasahero ay halos napunta sa kaliwang bahagi ng bus. Kasama si Jiro. Bumalik sa kinauupuan nila ang mga tao na hindi na maitatago ang pagkabahala at pagkagalit sa Driver ng Bus.

Hindi pa man nakakabalik ang lahat ay nangyare na ang hindi inaasahan. Kitang-kita ko ang pagkabigla at pagkatakot sa mata ng matalik kong kaibigan habang tila lumilipad sa hangin ang sinasakyang bus. Ramdam ko ang pagkawala ng init at pagpalit ng malamig na pawis sa kanyang katawan. Nasaksihan ko ang pagsigaw niya at paghingi ng tulong na alam kong wala ng makakarinig maliban sa mga tao na lulan din ng pabulusok na Bus. Maliban sa akin.

Magkatabi kami no’n.

At walang nakaligtas.

Kahit isa.

image