Sa pagkakaalam ko, kung hindi man ako nagkakamali. ang prusisyon ay nagaganap tuwing Biernes Santo ng hapon, yung malapit nang gumabi. Tumatak na sa isipan ko ang prusisyon mula noong bata pa ako.
Hindi katoliko ang pamilya ko pero lagi naming inaabangan ang prusisyon simula pa noon, lalo na ng mga nakatatanda kong kapatid. Noong bata pa ako, hindi ko pa alam kung bakit madalas naming abangan. Ang alam ko lang, naaaliw ako sa panonood.
Nung magkaedad na ko, lumilinaw na sa isipan ko kung bakit ganon. Yung mga tao na nasa prusisyon pala ang inaabangan ng mga kapatid ko. Naghahanap ng mga kakilala sa mga dumadaan. Mga dating kaklase nila noong elementary, noong highschool. Mga dati naming kapitbahay. Nung malaman ko na, pati tuloy ako nakikihanap na rin ng kakilala. Bakit ginagawa nila yun? Para siguro batiin yung makikita, pero ang alam ko sadyang gusto lang talaga nila makakita ng mga kakilala.
Lagi naming tinatapos panoorin ang prusisyon, hanggang ngayon hindi na nawala sa pamilya namin ang ganong kaugalian. Kaya pati tuloy sa mga anak ng mga kapatid ko naipapasa na.
Recent Comments