muli…

March 29, 2010

Muli, ako’y susulat ng isang tula…

Dahil muli’y sumisibol ang pangamba

At kumakatok na ang lungkot

Tuwing naiisip na malalayo ka

Muli, ang blangko ay mapupuno ng mga letra

Dahil ngayon pa lang ay nangungulila na

Sinanay mo pa kasi sa pagiging dalawa

At ako’y lubos na binago pa

Nalalaman kong hindi dapat matakot

Ngunit hindi kasi maiwasang mag-alala

Sa nalalapit na mga gabing wala ka sa aking tabi

Ako kaya’y maiisip mo pa?

Kaya’t muli, ako’y tutula

Upang ngayon pa lang ay malaman mo

Sa isa sa mga isla sa Pasipiko

Ako’y patuloy na magmamahal sa’yo

mga siguro at kakulangan

November 29, 2009

Malamang hindi mo aakalain na ganito ang susunod na liham pagkatapos ng halos isang taon ng hindi pagsulat.

Halos tatlong taon na pagsasama. Tatlumpung buwan ng pagdiriwang. Marami pa rin tayong mga tanong.

Dahil hindi pa natin alam.

Maraming “siguro”. Siguro hindi pa tayo handa. Siguro masyado nang mabilis at mabigat ang lahat. Siguro kailangan nating magpahinga. Siguro nakakapagod na.

Sa pagitan ng noong puno ng pag-asa at bukas na walang katiyakan, ay ang ngayong hindi natin akalaing puno ng takot at alinlangan.

Sa totoo lang, tulad mo, hindi ko na rin alam kung ano ang gusto ko.

Ang alam ko lang, kung sino.

Ikaw.

Ikaw lang.

Sapat na ba ‘yon?

malamig/isa’t kalahati

December 27, 2008

Umuulan na naman. Sinisipon ako. Inuubo. Gutom. Wala ka.

Ewan ko kung may mas malala pa sa pagiging mag-isa sa Pasko… walang magawa kundi matulog dahil may trabaho pa kinabukasan.

Hindi naman ako ganito dati. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na tinulugan ko ang Pasko, pero hindi pa rin ako naging ganito kalungkot dati. Teka, hindi ako malungkot. Wala lang ako maramdaman.

Hinahanap kita. Kulang ang gabi ‘pag wala ka. Pagod ako galing sa trabaho, may sakit. Hindi naman problema yun, basta alam kong darating ka at matutulog sa tabi ko.

Ang tagal naman ng Bagong Taon. Gusto ko nang umuwi ka. Bukas, isa’t kalahating taon na tayo pero tulad ng nakaraang Disyembre 28, wala ka. Kahit gusto kong maging masaya para sa’yo dahil buo kayo ng pamilya mo at masaya kayo, hindi ko pa rin magawa. Makasarili siguro ako. Patawad.

Hindi na kasi ako kompleto ‘pag wala ka.

ang aking araw

December 22, 2008

Pangit ang araw ko sa trabaho.

Palpak ang grado ko. Hindi ako makapagsalita ng maayos. Hindio ako maintindihan ng mga tumatawag sa akin. Malabo ako ma-promote dahil sa maraming dahilan.

Nalaman nila ang okasyon ngayon. Akala ko pa naman lulusot ako at walang makaaalam sa opisina. Hindi pala. Nakakahiya tuloy dahil wala akong panlibre.

Pagod ako. Sinisipon. Masakit ang ulo. Malayo sa pamilya at mga kaibigan.

Pero alam ko ilang sandali na lang, nariyan ka na. Sigurado mabubuo na ang araw ko.

Katulad ng mga nagdaang mga araw na binuo mo, alam ko magtatapos ang araw na ito ng masaya. Kasing-saya ng simula nito kanina. Kasing-saya sa pakiramdam kapag nahihimbing ako sa yakap mo.

Marami pang kulang sa buhay ko, pero wala na akong mahiling. Pakiramdam ko kasi, magiging okey lang lahat dahil nandiyan ka. Malinaw ang bukas, nakikita ko yan sa mga mata mo.

Wala kang regalo sa’kin, pero higit pa sa sapat na nariyan ka. Higit pa sa sapat na mararamdaman kong katabi kita mamaya.

Sana laging ganito.

labingpito, ordinaryo

November 28, 2008

Nakalimutan mo akong halikan bago ka umalis kanina.

Nakalimutan din kita gisingin kaninang hatinggabi.

Kita mo? Hindi ako “ideal”. Hindi tayo “ideal”. Madami kang pagkakamali, marami rin akong mga pagkukulang.

Hindi ko nga alam kung bakit ka nagkagusto sa’kin. Hindi ako pintor, hindi ako masining. Pagsulat lang talento ko. Siguro darating ang araw na magsasawa ka na din magbasa ng mga sulat ko.

Labingpitong buwan. Hindi ko alam kung bakit tumagal tayo ng ganito. Pero abot-langit ang pasasalamat ko dahil sa mga buwan na ‘yon, naging masaya ako. Hindi ko rin alam kung hanggang kailan tayo magtatagal, pero mas nananaig ang pag-asa ko kaysa sa takot. May nagsasabi sa akin na magiging mabuti ang lahat. Pareho tayong patuloy na magkukulang, parehong magkakamali, pero mananatili tayo sa tabi ng isa’t-isa.

Ordinaryong araw ngayon. Hindi ako naglaba, hindi ka rin naghugas ng pinggan. Pero tulad ng mga ibang araw sa nakaraang labingpitong buwan, gumigising akong masaya at espesyal.

Maraming salamat sa’yo.

mga bagay na hindi mo alam

November 20, 2008

Sabi mo takot ka. Takot ka na mawala ako. Takot ka na pabayaan kita.

Mas takot ako.

Takot ako dahil nahihirapan ka. Takot ako dahil ngayon, di tulad noon, mas nakikita ko na ang mga paghihirap mo. Dumadalas ang mga pagkakataong nasasaktan kita. Dumadalas ang mga pagkakataon na nagkakasakitan tayo. Dumadalang na ang mga pagkakataong nararamdaman ko na masaya ka.

Takot ako dahil mahina ako. Dahil hindi na ako malakas katulad ng taong minahal mo noon.

Takot ako sa sarili ko.

Mas lalo akong takot dahil alam kong napapahirapan kita sa takot ko. At pinipilit mo na lang kayanin kahit hindi mo alam hanggang kailan mo makakaya. Patawad dahil hindi ko rin alam kung hanggang kailan ako mahina.

Takot ako. Mahina ako.

Pero patuloy akong sumusubok hanggang maging karapat-dapat na muli ako.

At mahal na mahal kita.

At kailanman, hindi kita iiwan.

Ewan ko kung masasanay pa ako na wala ka sa tabi ko.

Ngayon pa nga lang na ilang araw ka lang na wala dito, parang sobrang laki na ng kuwarto, sobrang tahimik sa paligid at sobrang wala akong magawa. Kanina nga binabato ko na yung manok sa kabilang lote e. Tapos pinapanood ko si Spidey sa kisame.

Umuulan pa naman ngayon. Malakas ang ulan. Ito pa naman ang pagkakataon na puwede sana kita isayaw sa terrace. Sori nga pala kasi hindi ko naisara agad ang mga bintana. Nabasa tuloy ang mga ibang gamit natin. Masyado kasi ako napako sa pagtingin sa labas. Ay, sori din, ‘di ko pa napapakain si Garfield, pero busog pa naman siguro siya dahil ‘di pa naman siya tumatahol.

Dalawang beses ka nang tumatawag sa’kin sa teleopno sa loob ng araw na ito kaya alam kong hinahanap-hanap mo rin ako. Sa dalawang beses na iyon, wala ako masabi kasi alam mo naman kung ano ang nangyayari sa akin ‘pag wala ka: nasa harap ng PC, nakikinig ng bossa nova at sinusubukang magsulat. Saka inuubo at sinisipon nang bonggang-bongga. Walang bago, parang penguin pa rin ako kung lumakad. Para namang napakaraming pwedeng mangyari sa isang pilay na nasa loob lang lagi ng bahay sa loob ng isang araw. Ay, highest nga pala ako sa midterms naming sa English. Wala pang review yan, ha. Yabang ko, noh?

Pero tuwing tumatawag ka, ayokong ibaba ang telepono. Wala na akong masabi pero gusto kong maramdaman na nariyan ka pa sa kabilang linya. Kahit huminga ka lang ‘dun, wala ako pakialam. Basta alam kong nandiyan ka, okey na.

Bukas, nandito ka na. May caregiver na ulit ako. Pero hindi na ako makapaghintay hanggang bukas eh. Sobrang miss na kita. Puwede ka bang mag-teleport dito?

Ngayon na.

Bilisan mo na.

Design a site like this with WordPress.com
Get started