“Minsan kasalan…

“Minsan kasalanan ng isang tao kung bakit s’ya nawawalan. Minsan ikaw ang nagtutulak sa kanila palayo kaya nasasanay na sila na wala ka.”

Salamat sa pag-direct mo sa’kin sa tamang path, doon sa mas masaya. Salamat dahil pinabayaan mo kong maging independent na nagtulak sa’kin para mas lalong makisama. Salamat dahil nakakahinga na ‘ko ng maluwag.

Random Thoughts 2.0

Madalas akong nakapagsusulat ng blog dahil nagiging inspirasyon ko ang mga akdang nababasa ko, nakakahugot ako ng mga linya na madalas ay tumatatak sa isip ko, at kapag nangyayari ‘yon, ay tiyak na pagmumuni-munihan ko na hanggang sa may mabuo akong opinyon o ideya sa isip ko kaya ako nakapagsusulat. at heto na nga.

Ang sabi ng dating news editor namin sa Pacesetter sa column na isinulat n’ya “Sa mga toy collector, kapag hindi nabuksan ang packaging, mas mataas ang value ng laruan, pero sa mga kabataan, kapag ‘ginalaw’ mo ang ‘box’, mas cool ka. hanggang sa pagsawaan mo na.” 

Naguluhan ka ba? Tinutukoy kasi nito ang instant relationship sa panahon natin ngayon. Nang mabasa ko ‘to, hindi sa pagmamayabang, pero hindi talaga ako tinamaan. Siguro kung may labis mang maaapektuhan sa column n’yang ‘to, e mga taong tigib sa pagmamahal o sadyang ginagamit lang ang ‘relationship status’ para mag fit in sa mata ng lipunan. Worst case scenario nga e hindi lang relationship status kundi pati na rin ang experience na ewan ko ba sa mga kabataan ngayon kung bakit kailangan pang ipangalandakang nakatira [okay, ang pangit ng term] na sila. 

Kagaya nga ng sinabi ko hindi ako tinamaan. Pero natawa lang talaga ‘ko ng mabasa ko ‘yan. Una sa lahat, noong unang beses pa lamang na malaman ng daddy ko na may bumabakod sa’kin ay sinabihan na n’ya ko agad na ang pakikipagrelasyon/relationship status ay never na makadaragdag sa personalidad mo. At naisip ko rin naman ‘yon, kaya nga simula noon ay never pa akong pumasok sa isang seryosong relasyon. Hindi ako magpapaka-hipokrita, nahulog na rin naman ang loob ko, at once lang nangyari ‘yon. Pero kagaya ng pagkakatanda ko sa sinabi ng tatay ko, kung kaya’t sa tinagal-tagal ng panliligaw ng lalaki e hindi ko naman naibigay sa kanya ‘yong titulo bilang ‘boyfriend’ ko. Naging mag M.U [fvck this status] lang hanggang sa pagsawaan ko na s’ya at makipag-fling sa ibang lalaki. Oo, walang masama, wala namang commitment. ‘Yan ang paniniwala ko, bahala ka na kung ganyan ka rin.

Mula rin noon, ay nangako ako sa sarili ko, na hindi ako papasok sa relasyong wala naman akong vision of marriage [ewan ko lang kung may kabataan pang naniniwala dito. Shetness] at kapag hindi pa ‘ko tumutuntong sa legal na edad at higit lalo kapag hindi pa alam ng mga magulang ko. Gusto ko kasi official, legal at formal. ‘Yan ang pananaw ko. Ayoko rin kasing maglihim o lokohin ang mga magulang kong buo ang tiwala sa’kin. Lokohin ko na lahat, ‘wag lang ang magulang ko.

Nakakainis lang talagang isipin na dumarami na ang bilang ng mga kabataang hikahos sa titulong ‘yon. Sana kung ikapapayat at ikayayaman ko ‘yon, e di ayos lang sana. Kaya lang hindi, magalit na kayo kung magagalit pero para sa akin ay hindi astig/cool/awesome ang marami ng naging ka-relasyon, ano bang malay ko kung ilang beses ka na palang ni-laspag ng jowa mo, ‘di ba? Ang totoo kasi n’yan ay habang nage-enjoy ka sa pagpaparada ng mga jowa mong wala namang utak [o sige, meron pero utak monggo] at halos pang-display lang eh parumi ng parumi rin ang pagkatao mo. Dagdag pa nga ng editor namin sa column n’ya “Hindi naman paramihan ang labanan, ang tanong, kung kanino ka tunay na magiging masaya. OA naman kasi kung agad mahal mo na.”

Isa pang problema ng kabataan ngayon e namimis-interpret nila ang feelings at emotions nila sa realidad at katotohanan. Ang dami kong kilalang ganyan, kesyo 42 na eka ‘yong nagiging GF n’ya, utang na loob naman. At wala akong pakialam kung saang basurahan mo pinulot ‘yang mga ‘yan.

Ako naman ang magbabahagi ngayon, 18 years old na ‘ko. Legal age para sa mga babae, at natupad ko ang pangako ko sa sarili ko, 18 years old ng mag boyfriend ako at natutuwa akong isulat sa blog na ‘to na sa susunod na buwan ay mag-iisang taon na kami. Dahil nga sa official/legal/formal na kami proud ako sa sarili ko dahil do’n, dahil hindi ko rin nabigo ang mga magulang ko. Nga pala, s’ya ang kauna-unahang lalaking binigyan ko ng ‘OO’ at sana ay huli na rin. Kung sa math nga ayoko ng trial and error, sa relasyon pa kaya? Anyway. Kung tutuusin ay wala akong masyadong naisulat at napagmuni-munihan sa column ng news ed namin, sige na nga, aaminin ko, meron at marami ‘yon pero hindi ko kayang isulat at ilabas pa rito. Kung may mangilan-ngilan mang natira ay akin na lamang ‘yon. Tinatamad na kasi ako. [HEHEHEHE]

Image

Ang saya ko dahil may isang bagay akong alam ko na hindi ko pagsisisihan dahil nasunod ko ang tama, kagaya ng sinabi ko sa nakaraang blog ko na may pagka ‘liberated’ akong tao, ngunit kahit ganoon ay may galak pa rin sa puso ko na nagagawa ko ang tama habang nage-enjoy sa buhay na meron ako ngayon. Kung may isa mang panibagong hamon sa buhay may relasyon ko ngayon, siguro ay ang bagong pangako ko sa pamilya kong magtatapos muna ako ng pag-aaral bago sumuong sa panibagong yugto. Masyadong malalim at mapanlinlang kaya didiretsuhin ko na lang. Maging virgin, until may wedding day *insert smiley here*

 

Random Thoughts 1.0 Ang paglaya ni Embliss sa Masukal na Kahon

Mag dadalawang buwan na rin simula ng matuto akong tumayo sa sarili kong mga paa. tumayo sa sariling mga paa, na ang depenisyon ko ay hindi na umasa at magpakulong sa isa, dalawa, tatlo o apat na tao. Hindi ako palabati na tao, walang pakialam sa iba at ‘yong tipong hindi kita papansinin unless, ikaw ang bumati sa akin. Siguro, masasabi ko talagang masalimuot ‘yong pangyayaring nawalan ka ng isang tao sa buhay mo. Pero totoo nga na lahat ng bagay ay may rason kung ‘bakit’. Noong una ay parati akong balisa dahil nga sa mga nangyari, punung-puno ng tanong ang isip ko kung ano bang naging mali ko, o di naman kaya eh, naging masama ba akong tao. Mababaw ang dahilan. Kung susuriin natin, o kung sasabihin ko sa inyo, mababaw talaga at baka pagtawanan n’yo lang.

“Yon ‘yong mga puntong naging mahina talaga ako. Dahil sa hindi mga nakakaalam, ay mahina akong tao pagdating sa emosyon ko. Parati akong nag-iisip ng mga negatibong bagay at nagiging praning na lamang sa lahat ng oras. NOONG MGA PANAHONG IYON.

Ngunit ngayon, nagpapasalamat ako sa ilang mga taong nakaramay ko ng mga oras na ‘yon. Sila ‘yong mga taong noong una’y hindi ko aakalaing makakaramay ko sa mga panahong akala ko, mag-isa nalang ako. Sila ‘yong mga taong nagbigay ng lakas sa akin at pinaalam na hindi ako nag-iisa at handa silang makinig sa mga hinaing ko sa buhay. Doon ko nalang napatunayan na dapat ang mundo ng tao ay hindi umiikot sa mga bagay o taong nakasanayan mo ng kasama. Kasi hindi ka matututo kung nakakulong ka sa isang kahon. Hindi mo na malalaman na malaya ka at may karapatan kang gawin ang lahat ng bagay, makisalamuha sa marami at iba’t ibang uri ng tao.

Image

Masasabi kong isa akong patunay sa kasabihang ‘nawalan ka man ng isa, may darating naman’ hindi lang isa o dalawa ang dumating. Marami. ‘Yong mga taong hindi ko akalain na makakaramay ko sa hirap at saya, sa totoo lang sila ‘yong mga taong noon ay nahuhusgahan ko pa habang nasa loob pa ako ng isang kwadradong lugar. Akala ko kasi noon, nasa isang kahon lang ang lahat ng makakaintindi sa akin. Hindi pala, dahil napatunayan ko na mas may hihigit pa do’n.

Image

Tutal ay marami na rin naman akong nasabi, magbabahagi na rin ako ng isang pangyayari kung saan ay tinanong nila ako. ‘Yong tanong na ikinagulat ko pero naging dire-diretso ‘yong sagot ko. Ang gulo ‘di ba?

“Saan ka mas komportable? Sa amin o sa kanila?” ang sagot ko, SA INYO.

Umuwi ako ng bahay noon at napagisipan ko kung bakit dire-diretso ay nasabi ko ‘yon. Heto na ang tunay na dahilan, kasi sa kanila hindi nila hinuhusgahan ‘yong pagkatao ko. Tanggap nila kung ano ang hindi at kaya kong gawin sa sarili ko. Maraming tao ang hindi nakakaalam na may pagka liberated akong tao, nagawa ko na ngang makipaghalikan sa harap nila eh [pero dare lang ‘yon] , uminom [dare lang din] o di naman kaya ay magsabi ng magsabi ng mga sama ko ng loob. Pero pagkatapos noon wala silang nasabing masama. Bakit? Kasi ramdam ko ang pagtitiwala nila sa akin na kahit may ugali akong gano’n e alam pa rin nilang kaya kong ihiwalay ang tama sa mali, at ang kulang sa sobra. Basta, hindi ko na kaya pang isa-isahin. Pero maraming pagkakataong ganyan ang nangyayari.

ImageImage

Oh sige, balik tayo sa talagang pinupunto ko dito. Siguro naman ay alam n’yo na kung ano. Masarap maging malaya, ‘yong walang kimitasyon, walang kinatatakutan. ‘Yong walang sumasakal sa’yo. ‘Yon bang hindi mo na kailangan sumang ayon sa sinasabi ng iba dahil sinabi nila at dahil nakatali ka sa kanila. Masarap ‘yong makakahanap ka ng mga taong kahit salu-salungat ang paniniwala ninyo e sa bandang huli kayo pa rin ang magkakasama at tanggap n’yo pa rin ang isa’t isa.

ang dami kong sinabi, pero ang gusto ko lang naman sabihin e: Humanap kayo ng mga kaibigang naiintindihan kayo, ‘yong alam mong magki-click kayo.

[AT OKAY, ANG PANGIT NG ENDING KO] *BOW*

Inilimbag na Pangarap sa Basahang Papel. Isang magulong sanaysay para sa Retorika na magpasa hanggang ngayon ay hindi pa napapasama sa mga akdang natalakay sa workshop.

“Bakit kaya ang mga magulang namin ang pumipili ng kurso naming magkakapatid?”

Tanong ito mula sa isang kaibigang kasamahan ko rin sa publikasyong pinagtatrabahuhan ko. Isang tanong na nakabinbin pa rin hanggang ngayon sa aking isip. Ngunit oo, aaminin kong naantig ang damdamin ko ng bitiwan niya ang tanong na ‘yon na hindi ko pa rin nasasagot at maging siya’y hindi rin alam kung papaano. Pagkatapos noon ay may isang tanong pang gumagambala sa akin habang patuloy kong iniisip kung ano nga ba ang sagot sa tanong ng kaibigan ko. “Bakit ko pa pag aaksayahan ng panahong sagutin pa ‘yon, gayong nakuha ko naman ang napili kong kurso? Isa pa, problema na n’ya ‘yon.”

Journalismo. Ito ang kursong pinili ko, personal sapagkat ito ang landas na sinimulan ko’t kinamulatan ko na. Dito nagiging malaya ang mga opinyon sa t’wing alam kong may kokontra sa lahat ng sasabihin ko. Dito’y naibubulalas ko ang mga karanasang hindi maiintindihan ng isang indibidwal manapa ng kaibigan kong papel. Labag man sa kagustuhan ng mga magulang ko ang adhikaing magsulat at mag lingkod para sa bayan sa kabila ng kapahamakang maaaring idulot nito sa’kin at sa mga salitang bibitiwan ko, wala na rin silang magagawa pa kung pinili ko man ang pluma kaysa sa ibang propesyong mas nakaaangat at ligtas. May dahilan sila, at naiintindihan ko.

Hindi, hindi talaga makakabuhay ang pagsusulat dito sa Pilipinas.

Hindi sa sinasabi kong dahil mababa ang kita at pang dukha ang pagsusulat kung kaya’t hindi tayo maiaangat nito. Kundi ang sistema sa bansa at ng mga politiko na tinatapatan ng salapi ang katotohanan, salsalin at manipulahin ang pahayagan nang naaayon sa kanila at busalan ng salapi ang bibig ng mga mamamahayag alang alang sa pagpapa kintab ng kanilang mga pangalan. Ngunit hindi ito naging hadlang para isuko ko ang pangarap kong maging isa sa mga manunulat na iyon. Imbis na panghinaan ako ng loob sa takot, ay itinuturing ko itong hamon upang mas mahasa at masubok ang integridad na pinanghahawakan ko. Masakit ang isiping hindi mo naman ikabubuhay ang pagiging matalinhaga mo, at ang tanging kasiyahan mo lamang ay ang makitang nakaimprenta sa isang piraso ng papel ang pangalan mo sa nailimbag nang dyaryo o libro na ginagawa namang basahan ng iba, na kung tutuusin ay may kasama pang kurot.

Mapalad ang isang gaya ko sapagkat nasunod ang gusto kong magsulat, gumamit ng sandatang pluma, pananda, saknong at parirala, at makabilang sa mundo ng taludtod at talata. Hindi gaya ng kaibigan kong inuna ang pangarap ng iba kaysa sa pangarap niya. Gaya ko, journalismo rin sana ang kursong binubuno niya ngayon at hindi ang mundo ng pilosopiya’t teorya. ‘Yon lamang ay kung mas naging maganda ang imahen ng pagsusulat sa ating bansa. Kung mas nabigyang pansin ang kaligtasan at integridad ng mga manunulat. Kung sana lamang ay hindi naging makasarili ang politiko na mas pinipiling kargahin ang sariling mga bangko imbis na gawin ang kanilang trabahong tayo ang itaas. Iyon lamang ang punto sa mga pagkakataong tulad nito. Kung naging maayos lamang ang lahat sa larangan ng sining ng pagsusulat na nag ugat sa makasariling mundo ng pulitika edi sana klasmeyt ko rin ngayon ang kaibigan ko at sabay kaming nagsusulat ng sanaysay na ito.

 

Dulog para sa isang kaibigan

Kung pupwede lang kasi na kahit minsan hindi ka magpasindak sa sinasabi ng ibang tao sa’yo. ‘Yon bang hindi ka magpapaapekto sa kahit anong negativity na ibinabato nila sa’yo. Kasi minsan nakakasawa na rin. Lalo pa’t hindi mo naman alam kung ano ba ‘yong nagawa mo. Lalo pa sa isang taong kagaya ko na hindi madamot humingi ng tawad sa oras na alam kong nasaktan ko o di kaya nagawan ko ng mali.

Kung ipapaunawa lang sana ng marahan ‘yung pagkakamali ng isang tao at mapagtatanto nga n’ya na nagkamali s’ya, sinisigurado ko sa’yo, mas mabilis pa sa kidlat, hindi s’ya mag-aalinlangang humingi ng tawad.

walang taong gustong mamuhay sa gulo’t mga tanong lalo pa’t ipinagdaramot sa kanya ‘yung mga kasagutan. Ipaunawa, magbaba ng sarili ‘yan ang solusyon. Hindi kabawasan sa bawat pagkatao ‘yan, hindi kabawasan na ibahagi mo ‘yung nararamdaman mo lalo pa kung alam mong ito ang magtatapos sa lahat ng hindi pagkakaintindihan.

May nakapagsabi pa sa akin, “Kung lahat nalang buhul-buhol at hindi mo na kaya pang alisin ang pagkakabuhol nito, gupitin mo nalang.”

Pero hindi. naisip ko lang, kung puputulin mo ang sinulid na nagkabuhul-buhol ay parang sinukuan mo na ang lahat. At hindi ganoon ang pagkakaibigan. Oo, kaibigan nga at kapag kaibigan mo hindi mo susukuan. Maaaring ipahinga muna ang sarili, mag-isip at hayaang rumupok ang sinulid para kusang matanggal ang buhol. Pero walang pagsuko.

Lahat ng bagay ay nadadaan sa usap, at higit lalo sa pagsabi ng mali kung alam mo namang ang mali man n’ya na ‘yon ang tutuwid sa lahat. Walang taong gustong manghula ng nararamdaman ng ibang tao at higit na walang taong gustong manghula ng kasalanang nagawa.

 

Kapag ba pinalunok kita ng laway, pero laway ng iba, lulunukin mo ba?

 

Ipikit ang mga mata. Itukod ang mga tuhod. Pagtagpuin ang mga palad. Magdasal na magkaroon ng kasagutan ang lahat.

I’d rather trus…

I’d rather trust a woman’s instinct than a man’s reason.

Siguro nga, mas makakabuti kung ‘yong sarili ko nalang ‘yong paniniwalaan at pagkakatiwalaan ko. Kaysa sa mga dahilang pilit na ginagawang maayos ang lahat pero in the end mas nagugulo lang. Mahirap kasing magtiwala. Kung minsan nga dumarating sa puntong nagdududa ka sa sarili mo, sa ibang tao pa kaya?