Bisperas ng Paalam

•Pebrero 12, 2011 • Mag-iwan ng Puna

Lalayo na sa piliing

ng mahal. Na sa palad lang din makikita

ang pagsintang nayari sa panahon at papel.

At sa puso lang din nadama ang pangako

ng walang hanggang pag-ibi – –

Pagkasumasakasaysayan

•Nobyembre 8, 2010 • Mag-iwan ng Puna

Sa aking pinakamamahal,

Pinili ko munang hindi sumulat sa papel na nakagawian nating tingnan.

Sa nakalipas na mga buwan naniwala akong hindi nawawala ang pag-ibig sa isang tao. Nanindigan ako. Hinarap ko ang pag-aalala at mga agam-agam na pakiwari’y ko’y nag-udyok sa akin para sumulat sa iyo dito.

Hindi nagtatapos ang pag-ibig ng isang tao. Masasabi kong ito ay dahil sa pagkasumasakasaysayan. Marahil mahirap maniwala pero paano mo ipapaliwanag sa akin kung nawawala nga ba talaga ang isang bahagi ng buhay? Minsan lamang nagiging bahagi ang isang tao sa buhay natin. Mayroong tila dumaraan lamang at mayroong nag-iiwan ng isang malalim na ugnayan na sa gayon ay nagiging bahagi ang taong iyon ng pagkakabuo ng ating pagkatao.

Dahil binuo ang tao sa pag-ibig, ang anumang pag-ibig na dumaan sa buhay ng isang tao ay hindi nawawala bagkus, ito ay nagpapatuloy, malay man o hindi ng isang tao. Nilalang ang tao sa mundo sa pamamagitan ng lovemaking o yung pagmamahal na nakapagbubuo at pagbuong nagpapamalas ng pagmamahal.Patuloy tayong binubuo ng pag-ibig sa kung sino talaga tayo gaano man ito kalupit. Ngunit hindi tayo ang pag-ibig. Hindi tayo ang pag-ibig dahil kung tayo na nga ito, wala na tayong kulang pa. Sa pag-ibig na meron tayo nakapagbubuo ngunit hindi ikaw o ako ang pag-ibig. Kung tatanungin mo ako kung sino ay huwag mo nang itanong. Huwag mo na akong kulitin.

Naging bahagi ang isang tao sa buhay ng isa. At gayon din naman ang sa isa pa. Hindi ito mawawala dahil hindi kayang burahin ninuman, maging ng tao mismo ang kanyang kasaysayan. Na kahit anong pagpupumilit na takasan, iwasan, o kalimutan (kung ito na ang katawagan natin sa mga paraang nais nating burahin ang ating pagkasumasakasaysayan), hindi maitatanging minsan kang umibig at minsan din akong umibig.

Ang minsan ay magpakailanman

Linya ito ng isang kanta. Minsan lamang ang buhay ng isang tao kung ikukumpara sa daanlibong taong nagdaan. Maliit lamang ang espasyong ginagalawan natin kumpara sa milyung-milyong milya na lawak ng ating uniberso. Anupa’t sa maliit na sandali at espasyo, nananahan tayo sa pag-ibig. Na ang bawat sandali at pagkakataon ay puno ng posibilidad ng pag-iral, pagpapakita, pagkumpirma, at pakikibahagi sa pag-ibig.

Hindi ko muna ibabahagi sa liham na ito ang aking saloobin tungkol sa kung ano ang pag-ibig bagamat isa ito sa mga tanong natin. Ngunit panghawakan nawa natin ang pag-ibig na mayroon tayo sa ngayon. Ibigin nawa natin ng buong puso ang mga taong bahagi ng ating buhay at nawa’y buksan nawa ng pag-ibig na nananahan sa atin ang ating mga sarili tungo sa pagmamamahal sa iba. Sumakasaysayan nawa tayo.

Nagmamahal,

Jan

Sa mga panahong walang sulat

•Pebrero 1, 2010 • Mag-iwan ng Puna

Pupunan lamang

ng mga pangyayaring

nangyari sa pagyayari

ng kaluluwa kong

niyari ng

mga pangyayaring

ikagagalak, ikayayari.

Hari nawa…

Ngayong Alam mo na Lahat

•Pebrero 1, 2010 • Mag-iwan ng Puna

Maglalaho ang lahat

ng bituin

sa madilim na kalangitan

at daang

balot ng hamog

ng isang gabing

nalaman mo…

Sisinag ang araw bukas.

Panahon nang gumising.

Ika-18 Tula

•Setyembre 25, 2009 • Mag-iwan ng Puna

I.

Nagdaan na ngang muli

isang taong kay bilis

at iniwan ko na ang aking

kabataan.

Kahapong lumipas

hindi ko malilimutan

dahil ang aking kabataan

tigib ng kulay.

Iniwan ko na

ang kulay ng kabataan.

II.

Ang ngayon ay ngayon

at walang bago sa ngayon

dahil ang ngayon bukas, kahapon

at magpakailanman.

III.

Ngunit lilingon na ako

sa kulay ng bukas.

Kabilang na ako sa kinabukasan

at hindi sa kabataan.

At sa ika-18 tula

ng aking buhay.

Isa lamang ang aking mahihiling.

IV.

Huwag sana akong lisanin

ng bukas.

May Gabing Walang Bituin

•Agosto 29, 2009 • 1 Puna

At ikaw lang ang gabay

Sa paang nanlalamig.

Init sa kumakalam na dibdib.

Hilom ng pusong naninikip.

At tila ikaw lang din

ang pintig ng isip

at diwa ng dibdib.

At may mga gabing

maging ikaw ay

nawawala sa akin.

Sa ganitong gabi

ako

ay natututong

magkumot ng dibdib

at pasalamatan

ang lamig

na nagturo sa aking

ikaw lamang

ang tangi kong

pag-ibig.

Ang Bagong Romantisismo

•Hulyo 13, 2009 • 2 mga puna

1.

Kapag nagsasabi

ng totoo

ang iyong puso,

itakwil mo.

Patahimikin ang puso-

ng nagmamahal.

Dahil wala-

ng katuturan

ang damdaming wala-

ng dahilan.

2.

Kapag may mahal ka

itanggi mong

“mahal mo siya!”

Dahil pawang ilusyon lang

ang pag-ibig na wala-

ng katumbas.

3.

Huwag ka-

ng sisigaw ng

mahal kita!

Dahil kailangang may dahil-

an ang pusong

nagmamahal.

Panaginip

•Hulyo 8, 2009 • 2 mga puna

Rosas kang

Simputi ng niyebe

Nang aking

Tingalain

Sa langit.

Sumilip

ang haring araw

sa iyong gilid.

Umihip

ang hanging

malamig.

Tinakip

ng tadhana

ang rosas

sa walang hanggan.

Sumilip

ako

sa aking dibdib.

May

nakabaong

Tinik.

Ang rosas ng hardinero

•Hunyo 20, 2009 • 2 mga puna

May tula rin

ang rosas

kahit ito’y

may tinik.

Tula nito

ang aking

pag-ibig.

Mawawala

at lilimutin

mo rin.

Dahil ikaw

ang tinik.

Hindi ka lilimutin

ng aking

pag-ibig.

Buhangin Sa Dalampasigan

•Abril 28, 2009 • 1 Puna

1.

Butil ka lang

Nang datnan

sa munti kong palad.

Nang aking isaboy

sa hanging

walang hanggan

Nang langhapin

sa alimuom ng lupa.

Butil ka lang.

At dahil butil ka lang

2.

Dinig mo

ang tibok ng dagat.

Kita mo

ang niloloob ng langit

Hinahagkan mo

ang kamay ng lupa

3.

At sumasaiyo

ang aking pusong

butil lang din

sa mata Niya.

 
Design a site like this with WordPress.com
Magsimula