Makapagsalita man ako na may malalim na teolohiya sa wika ng mga tao pati ng mga sa anghel, kung wala naman akong pag-ibig para lamang akong ingay sa bawat makarinig sa akin
Kung ako man ay may kakayahan at lakas ng loob na maghayag ng salita ng Diyos sa loob ng simbahan o sa lugar na higit na kailangan. Tungkulin ko mang ipaunawa ang hiwaga sa kaalaman dulot ng seminary at karanasan, kung wala man akong pag-ibig, wala akong kabuluhan
Ialay ko man ang aking panahon, talento, at anu mang pag-aari mula sa aking pag-aaral hanggang sa ministeryong aking pinili, kung wala naman akong pag-ibig, walang kabutihang maidudulot ang puyat at sunog kilay na ito sa akin
Ang pag-ibig ng Seminarista at matyaga sa paghihintay ng solusyon ngunit hindi tumitigil na gumawa ng aksyon
May kagandahang loob sa lahat ng nilikha ngunit mas higit sa tunay na nangangailangan, hindi nananaghili sa kapwa seminarista o sa kahit na sino pa man
Hindi kailanman nagmamataas. Bagkus, kami’y katulad ng palay, nagsisikap Lara magkaroon ng mayabong na laman na syang dahilan ng aming pagyuko
Ang kagaspangan ng pag-uugali at pagiging makasarili ay hindi bahagi ng paghubog ng aming pagkatao bilang manggagawa sa ubasan ng Panginoon
Hindi magagalit kung ang hustisya ay tama at ang lahat ay nakakatamasa ng tunay na kalayaan
Hindi namin ikinatutuwa o isinasawalang bahala ang gawang masama, ito ay itinutuwid at ang taliwas ay nilalabanan. Ngunit ikinagagalak ang katotohanan
Ang pag-ibig namin ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa at nagtyatyaga hanggang wakas
Ang aming kakayahan para makapagpahayag gayundin ang makagawa ng mabuti ay may katapusan ngunit ang pag-ibig namin sa aming Gawain ay walang katapusan
Hindi pa lubos ang aming kaalaman sa itinakda naming gawain ngunit pagdating ng ganap, mawawala ang di ganap
Noong kami’y bata pa, ni ang pagsagi sa isip ng pagiging pastor ay tila wala sa aming kaisipan. Nangarap ng ibat-ibang propesyon at nilinang ng ibang kakayahan
Ngayon kami’y nasa gulang na, pinili ng bawat isang iwan ang buhay para sa buhay ng iba
Sa kasalukuyan, tila malabong larawan kaakbay ng hirap at dusa ang nakikita sa salamin, ngunit darating ang araw na makikita natin ang liwanag na simbolo ng pag-asa
Bahagya lamang ang aming nalalaman, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng pagkakakilala sa amin ng Diyos.
Ang tatlong ito’y nananatili sa bawat isang seminarista na siyang dahilan ng aming pagpapatuloy: ang pananampalataya, pag-asa at pag-ibig; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay and pag-ibig.