Sarbey
ELEHIYA KAY INAY
ELEHIYA KAY INAY
Kung ang kamataya’y isang panibagong paglalakbay aking Inay
Sa iyong pagtawid ala-ala nami’y baunin
Pagmamahal mo, pagkalinga,
mga pagtitiis at pagdurusa
Ngayo’y nakatakas ka na
Habang nakamasid ka sa ‘ming iyong naiwan
sa mga ibong nakasama mo,
sa mga talangka at sigay na naging laruan mo
sa mga along kahabulan mo
at sa malawak na buhanginang naging palaruan mo
Nawa’y naalala mo ang mga ito sa paglisan mo
Mag-isang ninanamnam ang kalinga ng kalikasan
habang isang ala-ala na lamang ang yakap ng iyong ina
sa oyayi ng hangin, ipinaghele ka,
sapagkat ika’y maagang naulila
Lumaking salat sa pagmamahal sa magulang
Tanging kaibigan naging takbuhan
Inulila pa ng kapatid na turan
animo’y isang sadlak sa dusang nilalang
Pagkat ang isang kaibiga’y lumisan
Tuluyan nang humalik sa lupa
ang sarangolang dinagit ng hangin,
Tanging pumpon ng bulaklak
sa malamig na bato ang tangan mo
Nakaukit na ang pangalan mo
Ang naiwan sa ami’y mga ala-ala mo
Nang isang inang kasabay kong nangarap,
lumipad, kumalinga at sumalo sa aba ko.
Sa bawat ngiti ng mga munting anghel na kinalinga mo
isang munting kaluluwang pinanabikan mo
Konting sulyap lamang sana anak ko
Kahit ako’y malamig ng tila yelo
Ngunit ito’y ipinagkait mo
Ngayon aking ina sa iyong paglalakbay
Baunin mo ang aming pagmamahal
Ihalik sa hangin aming mga pagmamahal
Ibulong sa Diyos na kami’y bantayan
Yakapin ng pagmamahal kahit sa panaginip lang
Nawa sa iyong pagtawid sa kabilang buhay
masilayan mo ang kaginhawahang
di natikman sa palad ko
TINTA NG IMAHINASYON
Nais kong magsulat ngunit walang mamutawi sa kakintalan ng aking isipan, Palaging tulala at blangko ang mundo. Sabi ng kaibigan kong manunulat, ang pagsusulat ay parang panganganak din, Sa bawat pagsilang ng isang sanggol, nababalot ito na parang cocoon, Ngunit kapag pinutol na ang pusod na nag-uugnay sa sanggol at sa kanyang ina, unti-unti nagkakaroon na rin ng sariling buhay ang sanggol tulad sa pagsusulat, kapag natapos mong gawin ang burador at ito ay naisalin na sa tinta ang aklat na iyong ginawa ay nagkakaroon na rin ng sariling buhay, pumapaimbulog, nagsasalita, kumakausap sa mambabasa na tila ba nagpapahiwatig, isang tinta ng imahinasyon na pumukaw sa iyong malikot na pag-iisip, kumintal sa iyong damdamin at tumimo sa bawat isa na bumabasa nito, ako ito isang tinta ng imahinasyon, hindi ang sumulat nito#
Mga puna