Ni: Jeric F. Jimenez
Nakasakay ako ngayon sa harapan ng jeep. Hindi ko alam pero habang nakasakay ako ngayon sa jeep na ito lalong nagiging makahulugan sa akin ang paglayo ng mga sasakyang nakaaabot sa sinasakyan ko. Hindi ko iniintindi ang mga lingunan ng mga tao. Ang paulit-ulit nilang bulungan na walang kahulugan, mga bulungang hindi ko alam kung ako ba ang kanilang pinag-uusapan. Hanggang sa unti-unting nilamon ng kawalan ang gulong ng sasakyan. Unti-unting kinukuha ng dilim at hamog ang katawan ng sasakyan hanggang sa tuluyan na silang mawala at hindi na maabot ng aking mga mata. Hindi ko alam pero sobrang makahulugan ang paglisan ng mga sasakyan sa harapan ko.
Nang bigla akong tumunghay sa mga usok ng tambutso. Nilalanghap ng ilong ko ang matinding asyot nito, at bigla akong nagbilang sa mga araw na ilalagi ko pa sa unibersidad. Kaunti na lang. Kaunting panahon na lang ang ilalagi ko. Tapos na ang tesis namin. Ilang araw na rin at matatapos na ang OJT ko. Oo. Papalapit na nang papalapit ang araw na pinakahihintay ko. Pinakahihintay ng maraming kabataan at pinakahihintay ng mga magulang.
Apat na taon na rin akong namamalagi sa publikasyong ito. Apat na taon na rin akong nangungulit sa iba’t ibang tao para sa interbyu. Apat na taong nag-aral at nagtiyaga kung paano magsulat. Sa totoo lang pumasok ako dito na hindi ko talaga alam kung paano magsulat ng balita. Wala akong ideya kung ano ang mga dapat gawin o kung ano ang mga dapat ikonsidera para sa isang maayos na balita.
Magdadalawang taon na rin nang hindi na isama sa lumang proseso ang pagbabayad sa Cata (The Catalyst), na nagresulta sa manu-manong paniningil ng pondo. Nagresulta rin na halos wala na kaming pondo. Halos wala na kaming magamit para sa pagpapalabas pa ng mga isyu. Mga isyung kailangang kailangan ng mga estudyante ng PUP. Mga isyung tila ayaw mabasa ng mga opisyal ng unibersidad at tila ayaw nilang lumabas sa opisyal na pahayag ng mga mag-aaral ng PUP.
Nagresulta rin ang manu-manong paniningil na wallnews na lamang ang kayang ilabas ng Cata para sa mga estudyante. Wala na yung nakikita kong binabasa ng mga estudyante na diyaryo talaga. Ansarap sarap sa pakiramdam na kasama ka sa gumawa nun. Na kasama ka sa pagpupuyat, paghahabol at pagsusulat. Wala na yung dating 12 pager o 16 pager na diyaryo. Caya ngayo’t narito ang Cata nasa website na lamang. Hindi ko alam kung lahat ba ng mga estudyante ng unibersidad ay makakabisita sa website na to’ kung makakapagtiyaga pa kaya sila. Hanggang sa inihehele na nga ako sa duyan ng dyip. Umiikot ang mga bagay, ang mga taong nakakasalubong nito. Papaano nga ba mamaalam? Para ba itong saranggola na kapag tuluyang binitawan sadyang lilipad na walang maliw o parang dyip na walang katapusan ang pag-andar. Na sa dulo ng biyahe ng dyip walang kasiguruhan.
Habang idinuduyan ako ng sasakyan nagbalik sa ala-ala ko yung mga naiambag sa akin ng publikasyong ito. Mula sa kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko at ang mga eksperyensyang babaunin ko paglabas ng unibersidad. Ilang araw na lamang ang natitira sakin’ para sa pamamalagi ko dito ngunit kitang kita ko parin yung pangangailangan para sa impormasyon. Mga impormasyong kailangang kailangan ng mga estudyante.
Sa ganitong kalagayan iiwan ko ang publikasyong kumanlong sa akin ng apat na taon. Sa publikasyong nagbigay daan kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko. Sa pub na nagturo sa kung ano ang tunay na kalagayan ng marami nating kababayan. Kung ano ang tunay na mukha ng kahirapan. Kung sino ang may kasalanan, at naging bulwagan ng maraming anak ng bayan.
Siguro kung bibilangin ko yung mga natutunan ko sa pub na to’ at sa mga taong nakasama ko hindi nun mapapantayan ng apat na sulok ng klasrum. Sa mga ganitong pagkakataon tama ang tinuran ng isang lider “habang patuloy ang iyong paggiit para sa karapatan ng mamamayan patuloy ka rin nilang gigipitin”. Ito ang nangyayari ngayon sa Cata. At ganito ko rin siya iiwan.
Ngunit hindi niyon mapipigilan ang Cata sa paglalabas ng mga isyung naglalantad sa kabuktutan ng kasalukuyang adminstrasyon lokal man o pambansa. Tawag ng pangangailangan ang magsulat para sa sambayan dahil hindi maitatanggi na may mali sa estado may hindi tamang ginagawa ang kasalukuyang administrasyon. Itinala na ng kasaysayan na kasama ang Cata sa pagpapatuloy ng laban ng mga estudyante. Umalis man ako tiyak kong maraming papalit na kamay, maraming papalit na pangalan na magsusulat para sa inyo ng mga balita, tula at maikling kwento. Umalis man ako magpapatuloy ang Cata para sa pakikibaka para sa mga iskolar ng bayan.
Papalapit na ako nang papalapit sa aking destinasyon. Paparami naman ng paparami ang mga sasakyang umuusad, lumalayo at nawawala sa harapan ko. Isa-isang lumalayo ang mga sasakyan, hanggang sa tuluyan silang kunin ng mga hamog at hindi ko na makita. Lalong bumigat ang damdamin ko nang mabilis ang kanilang pag-andar. Lalong bumigat ang nararamdaman ko nang hindi ko na maaninag ni kulay, ni ingay, ni amoy ng tambutso. Naiwan akong bumaba na walang tigil pa rin sa paglisan ang mga jeep.
