Ng una kong masilayan ang kanyang mukha
Ito’y mistulang isang magneto, ako’y napatulala
Animoy isang anghel na bumaba sa lupa
Kay ganda, kay amo, napakatalinhaga.
-o-
Napakasarap tingnan ang mukhang iba sa pangkaraniwan
Sadyang takaw-pansin, di kailangang ipagpilitan
Kay sarap tingnan ang bawat anggulo
Bawat sulok, nanaisin mong masaulo.
-o-
Ah, sadyang nakakabihag ng puso
Mapapaibig ka kahit di naisin ng iyong puso
Ang mukhang inosente at walang ginagawa
Masilayan mo lang, ang puso mo ay walang kawala.
-o-
Sadya sigurong ginawang makapangyarihan
Ang isang mukhang kagaya mo na kaibig-ibig pagmasdan
Upang magbigay saya at inspirasyon
Sa bawat nilalalang, ibayong saya ang pabaon.
-o-
At sa bawat pagpikit ng aking mga mata
Ang taglay mong ganda ay baon ko sa gunita
Isang simpleng bagay na tyak di mo pansin
Pero isang alapap ang hatid sa akin.
-o-
Siguro sapat na ang mga pagkakataong katulad nito
Ang ika’y maging inspirasyon dito sa puso ko
Sapat na ang ligayang laging hatid mo
Sa tuwing masisilayan ko ang mukha mo.
-o-
-o-
-o-
Hay buhay! Lam mo yon, walang kahirap-hirap, kahit di ngumingiti, mukha pa lang ulam na. Manang! Kanin pa nga! Hehe
Kakatuwa ang isang binatang tumitibok ang puso
May ningning ang mga matang mahirap matanto
Mga ngiti sa labi ay nakakahalinang pagmasdan
Di mo alam kung saan galing ang nadaramang kaligayahan.
-o-
Bawat sandali, akala mo ay sa rurok ng langit
Parang lumalakad sa ulap sa pagdaan ng bawat saglit
Parang anghel na may dalang lirang umaawit
Pag-ibig na nadarama ang laman ng bawat sambit.
-o-
Sadyang makapangyarihan ang dikta ng puso
Sa binata’y dulot ang kakaibang pagkahurayo
Ang ligaya at saya ay sobrang nakakahalina
Pati ikaw ay madadala sa ligayang kakaiba.
-o-
Panalangin ko para sa binatang ito
Sana makamit mo ang iyong gusto
Sana ang pinapangarap mo ay magiging iyo
At nawa’y lumigaya sya sa piling mo.
– o – o – o –
Para ito sa pagsintang “pururot” ni Richmond. Peace man hehe
Nakakasalamuha ko sya hanggang sa ngayon
Inosente pang turing sa paglipas ng panahon
Hindi pa sya lubusang na expose sa mundo
Limitado ang karanasan, madaling mapaamo.
– o –
Hindi naman sya kakaiba sa pangkaraniwan
Hindi rin pansinin di tulad ng iba dyan
Simple lang sa kanyang pakikitungo
Nakakatuwa ksi di sya kumplikado.
– o –
Pero me isang kakatwang pagkakataon
Sa isang hindi sinasadyang panahon
Ang kabila nyang pisngi, aking nasilayan
Tumambad ang isang pambihirang kababaan.
– o –
Nakakatuwa at nakakataba ng puso
Sa totoo lang, iyon ang isang pambihirang tagpo
Ngatal ang mga labi’t pisngi na nagsusumamo
Buong pagpapakumbaba, parang bata mong inaamo.
– o –
Nabigla rin ako sa kanyang ginawa
Ilang segundo din akong natulala
Di ko akalain na sobrang totoo sya
Tanggap ang pagkakamali, mapatawad lang sya.
– o –
Sa tagpong iyon, humanga ako sa kanya
Isang taong may pagpapahalaga
Sana hindi sya lamunin ng kalakaran ng mundo
Sa paglipas ng panahon, sana wag maging bato.
– o –
Si Iya, di nya tunay na pangalan
Nagkataon lang na sya ay aking nabinyagan
IYa ksi IYakin ang unang tingin ko sa kanya
Pero sa bandang huli, ang katumbas pala nun ay paghanga.
– o –
– o –
Para to kay M.N. hehe. Alam na nya un ksi kaming dalawa lang ang me alam nito. Keep up the good work and wag ka magbago. Pano txt txt na lang. Haha
Ako ay nabigla sa aking namalas
Kakaiba sa pangkaraniwan at madalas
Mahirap ipaliwanag o sadya nga bang kakaiba
Guniguni ba o kababalaghan talaga?
-0-
Kahit saan ako tumingin, sa tao man o sa dingding
Lutang na lutang ang taglay nilang ningning
Nakakabighani ang kanilang mga kislap
Parang mga bituin sa likod ng mga ulap.
-0-
Para akong dinuduyan sa taglay nilang ganda
Nakaka adik, sobrang nakakahalina
Unti-unti akong lumulutang sa alapaap
Kakaibang ligaya, kakaibang sarap.
-0-
Sa kawalan ng kamalayan, muntik na akong matumba
Buti na lang nakabawi at mabilis na naibalik ang porma
Aking napagtanto na ang mga alitaptap sa tanghaling tapat
Epekto pala ng gutom, ang tyan ko sa pagkain ay salat.
-0-
-0-
Gutom lang yan!!! hehe
Ang life parang buhay, ano daw?
Gets mo ba o dahil korny, gusto mong sumigaw?
Haha, ganyan ang buhay, dapat na tinatawan
Sumakay ka lang at pag hindi, nosebleed ang kakauwian.
Meron akong nakilala, Ana ang pangalan
Katamtaman ang pangangatawan
Feeling seksi at matalino kuno
Pag nagpaliwanag sa ‘yo, nosebleed aabutin mo.
E si Ed, naku pag nakilala mo
Seryoso tignan kahit saang anggulo
Pero oras na magjoke, kahit korny ibabanat sa ‘yo
Pag di mo inawat, nosebleed pati tenga mo.
Ang buhay nga naman, puno ng drama
Isama mo na ang aksyon, pati na ang komedya
Sabi nga, kelangan marunong ka sumabay
Kahit na nagnonosebleed ka, isinga mo ng walang humpay.
Naku malamang kilala mo rin si Rey
Pagbumuka ang bibig, sya ay authority
Pag pumutak, di mo kayang baluktutin ang utak
Hinayupak, nosebleed ka ksi sya ay Reynang umiindak.
Si Mel, malalim ang pinag-aralan
Ang pagpapari, pwede nyang pasukan
Matalinhaga magsalita, di maarok kung minsan
Nosebleed ka ksi katwiran nya ang makapangyarihan.
Nakakatawa talaga kung iyong iisipin
At pwede ka rin mabaliw kung iyong didibdibin
Kaya payo ko, wag dibdibin bagkus ay iyong likurin
Kundi nosebleed ang sadya mong aabutin.
Exxxcuse me pohhhh! Sisinga lang. Hehe
Ginawa ng bandang 1:00 ng madaling araw kasi hindi makatulog at walang maisip na makabuluhang mga bagay. Haha.
Sa isang sandali na baka hindi na maulit
Sa isang sandali na sobrang kay iksi
Bawat tunog ng segundo ay mahalaga
Pintig ng puso ko ay puro kaba.
Sa isang pambihirang pagkakataon
Na sana sa iyong alaala ay maipabaon
Ang isang mensaheng mula sa puso ko
Sana madama mo sa higpit ng mga yakap ko.
Ang makapiling ka sa bawat pintig ng segundo
Kung alam mo lang, damdamin ko’y nagsusumamo
Pwede bang dugtungan pa ang nalalabing panahon
Upang ito’y hindi maging huling pagkakataon?
Huling yakap, huling pag-uugnay
Patak ng luha ko ay walang humpay
Bukas, makalawa ay wala ka na
Hanggang dito na nga lang, heto na.
Bakit kay igsi ng panahon para sa huling yakap
Ikulong man kitang pilit sa aking mga yakap
Alam kong kusa din akong bibitaw
Sadyang ito na ang huli nating pagkaulayaw.
At sa bawat hakbang mong di ko mapigilan
Sa pagkatayo, ako’y nakapakong luhaan
Hanggang dito na nga lang ba ang panahon
At ang ating huling yakap, habambuhay na pabaon.
Ginawa ng bandang 2:00 ng madaling araw – July 23, 2007, pagkatapos ng 2nd episode ng “Foxy Lady”. Biglang feeling senti at nostalgic kuno. Walang kokontra!!! haha